Ni Clea Faye G. Cahayag
BILANG bahagi ng Healthy Pilipinas campaign at pagtalima sa Dengue Awareness Month: magkatuwang ang Department of Health-Center for Health Development (DOH-CHD) MIMAROPA at Philippine Information Agency (PIA) sa paghahatid ng wastong kaalamang pangkalusugan sa pamamagitan ng isang Puppet Theater na isasagawa sa iba’t ibang paaralan sa lalawigan ng Palawan.
Ang puppet play na may titulong “Dengue” ang ipinalabas ng PIA PT para sa mga mag-aaral sa mga paaralan sa Bataraza, Rio Tuba, Taytay, Roxas at Puerto Princesa.
Nitong Hunyo 13, ito ay unang isinagawa sa Rio Tuba Central School at Leonides S. Virata Memorial School; Hunyo 14 sa Magara Elementary School at New Barbacan Elementary School.
Ngayong buwan ng Hunyo ipinagdiriwang ang Dengue Awareness Month na may temang “Deng-Get Out! Ang Dengue nagbabanta, mag-5S para laging handa!”.
Ayon sa DOH CHD MIMAROPA, layunin ng aktibidad na ito na iangat ang kamalayan ng mga mag-aaral sa Palawan tungkol sa Dengue at ang mga pamamaraan tulad ng 5S (Search and Destroy, Self-Protect, Seek Consultation, Support fogging in outbreak areas, Sustain Hydration) upang makaiwas sa sakit na ito.
Nagsagawa rin ng Dengue lecture at pamamahagi ng Dengue kits sa mga bata.
Kaisa din sa gawaing ito ang Provincial DOH Office, Provincial Health Office at mga munisipyo ng nasasakupang mga paaralan.
Ang puppet play ay isinagawa naman ngayong araw sa munisipyo ng Roxas at sa Hunyo 16 sa lungsod ng Puerto Princesa.