Photo courtesy | Barangay Sicsican FB Page

PALAWAN, Philippines — Aabot sa dalawampu’t siyam (29) na piraso ng mga punong Bakaw na pinutol ang natuklasan sa Purok Narra, Bgy. Sicsican, Lungsod ng Puerto Princesa nitong araw ng linggo, Setyembre 29.

Ayon sa Pamahalaang Barangay ng Sicsican, tinanggap umano ng isang alyas Wilfredo ang apprehension o seizure receipt mula sa awtoridad. Siya ang umaangkin ng lupang sakop ng Bakawan at napag-alamang residente ng Brgy. Irawan.

Kaugnay rito, ito ay mariing kinondena ni Punong Barangay Balbino Parangue at buong Barangay Council.

“Maari nating kinokondena ang pagwasak ng ating mga bakawan, hindi po dapat ito nangyayari dahil ang bakawan ay napakahalaga… nagsisilbing tirahan ng iba’t ibang uri ng isda, alimango, hipon, at iba pang marine species na nagbibigay ng sustansya at pagkain sa mga lokal na komunidad,” pahayag ni Kagawad Mike Escote.

Sa huli, ipapatawag sa isasagawang admin hearing ng City ENRO sina alyas Wilfredo at alyas Arman, parehong nasa hustong gulang at residente ng nabanggit na barangay kasama si alyas boy, residente ng Brgy. Mangingisda, na nagtayo umano ng bahay sa Bakawan.

Samantala, naging posible ang operasyon sa pamamagitan ng Task Force Bakawan sa pangunguna ni Rosebelt Tomines, DENR CENRO at LGU-Sicsican.