Photo courtesy | Macy M. Diaguc
PUERTO PRINCESA CITY — Pinag-iingat ang mga motoristang bumabaybay sa bahaging West Coast partikular sa kahabaan ng Barangay Montible at Napsan, nabanggit na lungsod, makaraang nakawin ang mga metal railings ng tulay.
Sa panayam ng
Repetek News
kay Macy M. Diaguc, Barangay Kagawad, tumambad sa mga opisyal ang mga nawawalang metal railings ng Montible Bridge.“Unti-unti pong nawawala ang [mga] bakal na tubo sa tulay. Suspetsa po namin ay ninanakaw po ng paunti-unti,” ani Diaguc.
Ayon pa sa opisyal, pinapa-monitor na ng kanilang konseho ang lugar upang malaman at mahuli ang mga salarin sa pagnanakaw.
“Pinapa-monitor po namin gabi-gabi sa mga [Barangay Tanod] para mahuli at malaman po kung sino po [ang] gumagawa at dahilan ng pagkawala nito,” dagdag ng opisyal.
Nagpaalala rin si Diaguc sa mga motorista na magdoble-ingat dahil aniya’y posibleng maging sanhi ng aksidente ito.
“[Nag-aalala rin po kami na [baka] po may madisgrasya po rito lalo po sa mga motorista po natin].
“Sa mga gumawa [nitong] pagnakaw sa mga tubong [nakalagay riyan] na nagsisilbing harang at proteksyon, maraming buhay ang maaring masawi sa ginawa nyo,” dagdag ng opisyal.
Ani Diaguc, kahapon, araw ng Martes, naipabot na sa tanggapan ng Bgy. Montible ang nasabing isyu.