Kasalukuyang nasa kustodiya na ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa lungsod ng Puerto Princesa ang isang lalaki na nakalista bilang rank 5 most wanted sa city level.
Ito ay matapos maaresto ng mga tauhan ng Puerto Princesa City Police Office (PPCO) ang indibidwal ay nasa listahan ng pinaka-wanted sa lungsod sa ikinasang operasyon bandang 9:45 ng umaga nitong ika-23 ng Enero, taong kasalukuyan.
Ang pagkakaaresto sa wanted ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng awtoridad na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lungsod ng Puerto Princesa. Kaugnay nito, tiniyak ng pulisya ang ligtas na komunidad para sa mga pamilya, lalo na sa kababaihan at bata na pinakabulnerable sa karahasan na kung saan natimbog ang wanted sa Barangay Macarascas sa nasabing lungsod.
Batay sa isang warrant of arrest na inilabas at nilagdaan ni Presiding Judge Jocelyn Sundiang Dilig, Regional Trial Court, Fourth Judicial Region, Branch 47 ang suspek ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9262 o ang “Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004, partikular sa Acts of Violence sa ilalim ng Section 5(H) at 5(A) ng batas.
May inirekomenda naman na piyansa para sa suspek na nagkakahalaga ng P72,000.00 at P36,000.00.