Ni Clea Faye G. Cahayag
HANDANG-handa na ang Puerto Princesa City Water District (PPCWD) para sa paparating na El Niño sa susunod na taon. Inaasahang “mild” El Niño lamang ang tatama sa lungsod sa unang kwarter ng taong 2024.
Sa kasaysayan, ang lowest rainfall sa lungsod ay nangyayari tuwing sasapit ang buwan ng Pebrero hanggang Abril kada taon.
Batay sa pag-aaral ng ahensya, ang existing production capacity ng mga water sources kung sakaling matuyo man ang ilog ng Irawan (isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng suplay ng tubig sa lungsod) ay kaya pa ring i-suplay ang demand ng patubig sa susunod na taon.
Anila, umaabot sa 3.1 milyong metro kubiko ang monthly production capacity ng lahat ng water sources sa Puerto Princesa.
“Very much ready po ang water district for any eventuality pagdating ng El Niño. Kayang-kaya po natin i-provide ang water requirement ng city. Based naman sa aming pag-aaral, ‘yung ating existing production capacity, granting na matuyo ang buong Irawan [river] kaya pa nating i-provide ‘yung demand ng water next year,” pahayag ni PPCWD General Manager Walter Laurel.
Bilang karagdagan naman sa mga existing water sources sa Puerto Princesa, ipinag-utos na rin ni Laurel sa Engineering Department ang konstruksyon ng infiltration well sa Montible, isang “immediate program” ng kanilang pamunuan bilang bahagi pa rin ng paghahanda sa El Niño.
Aniya, mayroong isinagawang pag-aaral sa Montible river ang United States Agency for International Development o USAID sa pamamagitan ng Safe Water kung saan napag-alaman na mas maraming tubig-ilog sa ilalim nito.
“During summer maliit lang ang nakikita nating nagpo-flow [na tubig] pero ‘yung ilalim nu’n mas maraming tubig. One way to extract ‘yung tubig nu’n is mag-drill tayo ng mga infiltration wells so were planning that as redundancy ng ating existing source kasi [mayroon] tayong inaabangang El Niño sa first quarter ng taon, next year pa natin maramdaman sa Puerto Princesa. So, ang engineering [deparment ay] gagawa muna ng [isang infiltration well]. [Mayroon] pa kaming isang existing doon na nagsu-supply sa Barangay Montible. So, magdadagdag ng isa pa as a form ng redundancy ng system once na mag-fail itong isa [mayroon] ka pang back up.”
“‘Pag infiltration well kasi hindi na kailangan idadaan ng planta kasi na-filter na ng mga buhangin. ‘Yung mga physical, chemical characteristics ng tubig papasa na [roon] sa Philippine National Standard for Drinking Water,” paliwanag pa ng opisyal.
Dagdag pa nito, nakapagsumite na rin ang kanilang pamunuan ng contingency plan sa City Council kaugnay pa rin sa El Niño.