PUERTO PRINCESA CITY — Dahil sa patuloy na epekto ng Habagat at pagpasok ng Tropical Depression ‘Gener’ sa Philippine Area of Responsibility (PAR), itinaas na sa Red Alert Status ang Emergency Operations Center (EOC) ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) mula sa Blue Alert Status nitong Setyembre 16, 2024.
Dahilan ito ng patuloy na malawakang pag-ulan sa ilang bahagi ng lalawigan ng Palawan na kung saan apektado na ng kabilaang pagbaha ang mga residente ng mga naapektuhang bayan sa lalawigan.
Ayon sa tanggapan ng impormasyon ng kapitolyo, ang Provincial Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ay patuloy ang isinasagawang monitoring ukol sa kalagayan ng mga munisipyo sa lalawigan kabilang na ang iba’t ibang mga ahensiya na katuwang nito.
Nakapagtala sila ng mga nasirang kabahayan sa iba’t ibang bayan sa Palawan na kung saan limang (5) kabahayan ang naitalang nasira habang dalawampu’t lima (25) ang partially damaged sa mga bayan ng Balabac, Busuanga, Culion, El Nido, Magsaysay, Rizal at Taytay.
May mga naitalang evacuees o mga lumikas sa kanilang mga tahanan mula sa mga bayan ng Busuanga, Bataraza, Coron, El Nido, Quezon, Rizal, Taytay, San Vicente, Sofronio Española, at Roxas. Nasa kabuuang 933 pamilya na binubuo ng 2,667 indibidwal ang natitirang nananatili sa mga evacuation center, habang 222 pamilya na may 885 indibidwal ang lumikas na pansamantalang nanunuluyan sa mga kaanak at hindi pa nakauuwi sa kanilang mga tahanan.
Matatandaang dalawa (2) na ang naitalang nasawi dulot ng sama ng panahon sa bayan ng Rizal, habang isa (1) rin ang nasawi sa bayan ng Roxas.
Lubhang apektado rin ang suplay ng kuryente at tubig sa mga bayan ng Brooke’s Point at Culion.
Sa ngayon, patuloy pang inaalam ng nasabing tanggapan ang ukol sa
kabuuang pinsala ng Habagat sa mga imprastruktura at agrikultura sa buong lalawigan.
Hinggil dito, suspendido ang lahat ng klase sa mga paaralan sa lahat ng antas mapa-publiko man o pribado. Habang patuloy paring ipinatutupad ang ‘No Sailing Policy’ lalo na sa maliliit na bangka para narin sa kaligtasan ng mga Palawenyo.