PUERTO PRINCESA CITY — Dumalo sa pagpupulong ang mga stakeholders ng bayan ng El Nido, Palawan, nitong araw ng Martes, Setyembre 3, upang talakayin o pag-usapan ang anumang update sa tunay na estado ng pagsisikap para sa rehabilitasyon ng nabanggit na bayan.
Sa pagpupulong, inihayag ng Rehabilitation Team na ang pagsasara ng mga negosyo ay hindi maituturing na focal point dahil kanilang ginagawa ang kanilang makakaya upang matiyak na mananatiling operational ang bayan ng El Nido habang pinapabuti ang pagsunod sa regulasyon ng pagprotekta ng kapaligiran.
Tinalakay ang mga nagawang rehabilitasyon ng grupo sa mga nakalipas na buwan na dinaluhan ng mga pangunahing ahensya ng pamahalaan, mga pinuno ng departamento, at iba’t ibang stakeholders sa lugar.
Samantala, nanawagan si Punumbayan Edna G. Lim sa sektor ng negosyo na patuloy na suportahan ang gobyerno at pagsunod sa mga panuntunan na naaayon sa regulasyon upang maisulong ang patuloy na pag-unlad ng bayan.
Maliban dito, naghayag din si Sangguniang Bayan Sonny Llanera ng kaniyang pagkabahala tungkol sa mababang turnout ng mga stakeholder at idiniin na mas marami ang dapat na dumalo sa mga ganitong mahahalagang pagpupulong upang maunawaan mismo ang mga pagsisikap ng gobyerno.
Ipinunto niya na ang social media ay hindi ang perpektong plataporma upang tugunan ang mga alalahanin tungkol sa rehabilitasyon ng El Nido at hinihikayat nito ang direktang pakikilahok sa mga talakayan sa hinaharap.
Kaugnay rito, dumalo sa pagpupulong ang pinuno ng Lupon ng mga Direktor ng El Nido Chamber of Commerce and Industry sa pangunguna ni Conrado N. David na kumatawan sa lokal na sektor ng negosyo para ipakita ang suporta sa pagpapalakas ng kahalagahan ng pagtutulungan ng pribado at pampublikong sektor para sa kapakinabangan ng rehabilitasyon at napapanatiling pag-unlad ng naturang bayan.
Ang pagpupulong ay naisakatuparan sa pamamagitan ng inisyatiba ng ENCCI na aprubado ni Municipal Mayor Edna G. Lim.