PALAWAN, Philippines — Dahil sa nararanasang malawakang pagbaha sa Luzon partikular sa National Capital Region (NCR), inihahanda na ng pamahalaang nasyunal ang mga ipamimigay na relief packages para sa mga residenteng naapektuhan ng Typhoon #CarinaPH at sa patuloy pananalasa ng Habagat o Southwest Moonson.
Ayon sa Presidentials Communications Office, ngayong araw ng Huwebes, ika-25 ng Hulyo, nag-ikot si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Lungsod ng Malabon upang personal na inspeksyunin ang kasalukuyang kalagayan ng mga apektadong mamamayan sa kamaynilaan.
Sa pag-iikot ng pangulo, napansin nito ang patuloy na pagbaha sa mga lungsod ng Valenzuela, Navotas, at Malabon.
Ayon kay Pangulong Marcos Jr., pupuntahan niya ang mas maraming calamity areas upang alamin ang pangangailangan ng mga nasalanta ng bagyo lalo na ang mga dumaranas ng malawakang pagbaha.
“Ngayon, pagbalik ko sa opisina, I will be put together — now that I know what the situation is where the areas are — that need the most. We’ll be put together already the relief packages for the LGUs,” ani Pangulong Marcos.
“Dito sa NCR (National Capital Region), hindi lang NCR, sa Region 3, sa CALABARZON. Marami nang tumawag sa akin kaninang umaga pa. So, pagsasama-samahin natin iyan para mapunta tayo sa DBM (Department of Budget and Management) at sabihin sa kanila na i-release [ang badyet] para magamit na ng ating mga opisyal,” dagdag pa niya.
Samantala, pinangunahan ng Pangulo ang isang situation briefing sa Presidential Security Command compound tungkol sa mga naging epekto ng masamang panahon sa mga komunidad.
“Ito ang epekto ng climate change. Now, what we have seen is that one of the most important parts that nagkaproblema was that navigation gate that we went to nasira dahil binangga ng isang barko. Basta’t hindi sumunod sa instruction. Sinira niya,” aniya.
“Kaya ang Navotas ay 80 percent pa rin sa ilalim ng tubig. Malabon pareho. Well, Valenzuela din. So, we have to really look into that… Iyong pumping stations natin marami na,” aniya pa.
Sa kabila ng paglalagay ng maraming flood-control system sa paligid ng mga apektadong lungsod, ang pagbaha ay nanatili umanong problema bilang resulta ng pagbabago ng klima, ayon sa Pangulo.
Sa huli, pakiusap ng Pangulo sa mga Pilipino na isagawa ang responsableng pagtatapon ng basura. Aniya, ang hindi tamang pagtatapon ng basura ang nagpalala ng pagbaha sa kalakhang lungsod.