Ni Ven Marck Botin
NAKATAKDANG magkaroon ng shutdown kada araw ng Sabado at Linggo hanggang makumpleto ang relokasyon ng 69 kV Tie Line at iba pang maintenance activity, simula bukas, araw ng Sabado, ika-1 ng Hulyo, batay sa pamunuan ng National Power Corporation o NAPOCOR.
Sa sulat na ipinadala ni Engr. Frederick B. Barrios, Operations Division Manager ng National Power Corporation (NAPOCOR) Palawan, ipinababatid nito kay Engr. Rez L. Contrivida, General Manager ng Palawan Electric Cooperative (PALECO), na magsasagawa ng ‘Tie Line Relocation’ ang mga tauhan ng NAPOCOR para sa pagsasaayos ng daloy ng enerhiya sa lungsod at lalawigan ng Palawan.
Ani Barrios, ang kanilang tanggapan ay binigyang mandato upang tapusin ang ang mga nabanggit na aktibidad sa lalong madaling panahon.
Aniya, mula alas-otso (8:00) nang umaga, araw ng Sabado, hanggang alas-singko (5:00) ng hapon nang ika-2 ng Hulyo (Linggo), isasagawa ang shutdown para bigyang-daan ang mga pagsasaayos ng mga linya ng enerhiya mula Bgy. Irawan hanggang compound ng PALECO.
Sinabi rin sa ulat na maliban pa sa mga nabanggit na petsa ay magpapatuloy ang pagsasaayos ng mga linya sa mga susunod na Sabado at Linggo hanggang makumpleto ito.
Ayon naman sa PALECO, magsasagawa rin ng load testing ang kompanya ng DMCI Narra Thermal Power Plant bilang dagdag na suplay ng enerhiya sa mga bayan ng Narra, Brooke’s Point, Sofronio Española, Bataraza, Roxas, Taytay at Mainland Dumaran.
“Dahil hindi magagamit ang 69 kV Tie Line na dinadaanan ng supply mula sa DMCI Power Corporation [sa lungsod ng Puerto Princesa] tanging ang PPGI at E Delta P ang [magsu-supply] ng kuryente para sa lungsod kung kaya’t [inaasahang] hindi ito sapat sa pangangailangan kaya magpapatupad ng load shedding schedule ang Kooperatiba tuwing araw ng Sabado at Linggo,” pabatid ng pamunuan ng PALECO.
Dagdag ng PALECO, mawawalan din ng suplay ng enerhiya ang bahagi ng Southern at Northern Palawan pagkatapos isagawa ang resynchronization grid ng mga ito.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin lamang ang official Facebook page ng Palawan Electric Cooperative.