Ni Ven Marck Botin
BINAWIAN ng buhay ang isang rescuer sa kasagsagan ng search and rescue (SAR) operation matapos tangayin ng rumaragasang ilog, nitong araw ng Martes, ika-5 ng Setyembre, sa Barangay Halog East, sa bayan ng Tubao, La Union.
Ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard, isa si Coast Guard Petty Officer Third Class (PO3) Ponciano D. Nisperos Jr. sa mga rumesponde sa naitalang “drowning incident” bunsod ng masamang panahon sa Sitio Daeng sa nabanggit na barangay.
Kuwento ng ahensya, dahan-dahang tumawid ang naturang rescuer upang i-secure ang “safety line” sa kabilang bahagi ng ilog ngunit nawalan ng balanse ang biktima na tuluyang tinangay ng rumaragasang baha.
Sinubukan namang iligtas ng mga kasamahang rescuer ang biktima ngunit wala ng malay nang matagpuan ito ng search and rescue team. Agaran namang isinugod sa pagamutan ang biktima ngunit idineklarang ‘dead on arrival’.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang ahensya sa mga naulilang pamilya at kaanak ng yumaong rescuer.