PUERTO PRINCESA CITY — Matagumpay ang isinagawang aktibidad ng Provincial Legal Extension Services Program o PLESP katuwang ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) – Palawan Chapter sa mga mamamayan ng bayan ng El Nido, nitong nakalipas na Hulyo 29 hanggang ika-30 ng buwan, taong kasalukuyan.
Sa impormasyong nakalap ng
Repetek News
, siyamnapu’t limang (95) mga indibidwal ang dumalo sa unang araw ng aktibidad na mula sa sektor ng Lupong Tagapamayapa at mga opisyal ng barangay na kung saan nabigyan ang mga ito ng kaalaman patungkol sa mga usapin na may kaugnayan sa Batas Republika 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children Act (VAWC), RA 11596, An Act Prohibiting the Practice of Child Marriage, Anti Trafficking in persons, Solo Parent Act, at Juvenile Justice.Kaugnay nito, tinalakay naman ni Ginoong Edward P. Alba ng Department of Interior and Local Government (DILG) Taytay ang mga usapin na may kinalaman sa Katarungang Pambarangay.
Samantala, sa ikalawang araw ng aktibidad, napagkalooban naman ng libreng konsultasyong legal ang nasa dalawampu’t limang (25) katao na karamihan sa kanila ay idinulog ang mga usapin sa lupain, mana, at iba pang ari-ariang ‘di natitinag .
Ayon sa Provincial Legal Office -Palawan, ang naturang aktibidad ay pinangunahan nina PLESP Focal Person Atty. Mary Joy Ordaneza-Cascara, IBP Palawan Chapter Chair Atty. Susanne Lacson, at Atty. Diorson Baseleres kasama ang mga abogado ng Provincial Legal Office na sina Atty. Christine Aribon, Atty. Ryan Oliver Cayatoc, at Atty. Azel Faith Fajarito.