Photo Courtesy |

Repetek News

Team

PUERTO PRINCESA CITY — Nangako si Senator Cynthia Villar, may akda ng Rice Tariffication Law o Republic Act 11203 na bago magtapos ang kanyang termino ay magkakaroon ng ekstensyon ang Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF.

Ito ang inanunsyo ni Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) Director lll Joel Dator sa provincial turnover ng mga pang-agrikulturang makinarya kamakailan na ginanap sa Narra, Palawan.

“Hindi ko sinasabi na magtatapos na ang ating programa at di ko rin po mai-confirm na ito ay itutuloy pa but from the mouth of the Senator [Cynthia Villar] nasabi niya po na sisimulan niya ang drafting ng extension ng programa bago siya bumaba in 2025 — hindi po ba magandang balita sa atin yan,” ang naging pahayag ng opisyal sa mga magsasaka sa lalawigan ng Palawan.

Aniya, isa sa component ng RA 11203 ang Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF na pinangangasiwaan ng PHILMECH, ito ay pinondohan ng limang (5) bilyon sa loob ng anim na taong implementasyon para sa farm mechanization. Ito ay nagsimula ng 2019 at magtatapos ngayong 2024.

Tinawag nitong “modern day heroes” ang mga magsasaka dahil sa napakalaki nitong gampanin partikular noong pumasok sa bansa ang pandemya dulot ng Covid-19.

“Para pong malaki kasi bilyones ang pinag-uusapan para sa rice mechanization pero ang limang bilyon para sa Philmech ay maliit lang po yan.

Kung ito po ay hinati-hati natin sa isang libong bayan, siyudad sa 57 rice major producing provinces magkano lang po yan. Kaya dapat lang po na ito ay magkaroon ng ekstensyon,” dagdag pa nito.

Aminado si Dator na maliit ang budget na ito kung hahati-hatiin sa mga probinsya sa Pilipinas na prodyuser ng bigas kaya marapat lang aniya na ito ay magkaroon ng ekstensyon para sa kapakinabangan ng mas maraming magsasaka ng palay.

Kaugnay nito, humiling din sa Senadora si Narra Mayor Gerandy Danao na madugtungan ang programang nabanggit dahil matagal na aniyang inaasam ng mga magsasaka sa kanilang bayan na mapagkalooban ng mga makinarya mula sa gobyerno.