Photo courtesy | Repetek News
PUERTO PRINCESA CITY, Philippines — Animnapu’t anim (66) na Fiberglass boats ang ipinagkaloob sa mga benepisyaryong mangingisda na naiulat na lubhang naapektuhan ng bagyong Odette nang humagupit ito taong 2021.
Nitong Biyernes, Nobyembre 10, pormal nang ipinamahagi ang kumprehensibong suporta sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga bangka, makina, at accessories, na inaasahang makatutulong sa mga benepisyaryo na mangisda muli matapos masira ang kanilang pinagkukunan ng kabuhayan.
Pinagkalooban din ang mga benepisyaryo ng cash grant na nagkakahalaga ng Php6,000.00 bilang tulong panimula sa kanilang paghahanapbuhay.
Ang nasabing bangka ay gawa sa Fiberglass na nagkakahalaga ng nasa mahigit Php110,000.00 bawat isa kabilang na rito ang makina, pintura, at iba pang kagamitan.
Ang nasabing proyekto ng Department of Science and Technology (DOST) ay pinondohan ng National Disaster Risk Reduction Management Council (MDRRMC) na nagkakahalaga ng mahigit 35 milyong piso.
Ginanap ang seremonyas sa Municipal Dome ng nasabing bayan na nilahukan ng ilang piling panauhin gaya nina Dr. Renato U. Solidum Jr., DOST Secretary; Regional Director DOST-MIMAROPA Dr. Ma. Josefina P. Abilay; kinatawan ni Palawan Gobernor Victorino Dennis M. Socrates; Palawan 3rd District Cong. Edgardo ‘Egay’ Salvame; Roxas Mayor Dennis Sabando; 1st District Board Member Ma. Angela Sabando; mga Sangguniang Bayan Members; at mga kawani ng lokal na Pamahalaan ng Roxas.
Naging posible ang naturang proyekto sa pamamagitan ng inisyatiba ng Department of Science and Technology (DOST), National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), Western Philippines University (WPU), Civil Defense katuwang ang lokal na pamahalaan ng naturang bayan.
“Kaya sa DOST may apat kaming talagang tinatawag naming pangunahing layunin: una, mapabuti ang kalidad ng buhay ng bawat isang Pilipino; pangalawa, ang pagkakaroon ng kita ay isang pamamaraan namin na tumulong sa inyo; pangatlo, well protection na pangalagaan ang inyong buhay at inyong kabuhayan.”
“Binanggit ko kay Mayor kanina sana may disaster preparedness program kayo para sa ating mga mangingisda at ang pang-apat sustainability ‘yung ating natural na yaman ay mapangalagaan natin kung tuluy-tuloy ang kita natin,” ani Solidum.
Dagdag dito, tatanggap din ng mga nasabing tulong sa mga susunod na araw ang mga benepisyaryo mula sa mga munisipyo ng Araceli, Cagayancillo, San Vicente, Dumaran, at bayan ng Taytay, Palawan.