Photo courtesy | BFAR Mimaropa
PUERTO PRINCESA CITY – Nakatanggap ng subsidiya mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Mimaropa ang mga mangingisda mula sa bayan ng Roxas na mayroong sariling makinaryang pang-agrikultura o yaong mga kabilang sa organisasyon, kooperatiba o asosasyon.
Nagkakahalaga ng tatlong libong piso (P3,000) ang bawat fuel subsidy cards na ipinamahagi sa kabuuang 132 fisherfolks ng Roxas, Palawan.
Ayon sa ahensya, layunin ng programang ito na palakasin ang produksyon ng fishery sector sa pamamagitan ng pagbibigay ng subsidiya sa mga mangingisda.
Sa mensahe ni Roxas Mayor Dennis M. Sabando, sinabi nito na malaki ang maitutulong ng subsidiya para mabawasan ang araw-araw na gastusin ng mga mangingisda.
“Nawa po makatulong ang fuel subsidy sa inyo lalo na sa inyong paghahanapbuhay at kahit papaano ay makabawas po sa inyong pang araw-araw na gastusin. Kung maaari, sundin ang bilin ng BFAR, at huwag sanang ibenta ang fuel na ibinigay sa inyo, mapalad kayo dahil nakasama kayo sa listahan ng benepisaryo, ‘yung tatlong libo na matitipid ninyo ay maaari nang maipambili ng iba pang pangangailangan at panggastos sa araw-araw,” ani Sabando.