PUERTO PRINCESA CITY – SIYAM (9) na Barangay sa Bayan ng Roxas, Palawan ang naserbisyuhan ng SPS Caravan hatid ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan nitong Abril 10, 2024, na ginanap sa Mendoza Covered Court.
Daan-daang mga indibidwal mula sa siyam (9) na mga barangay ang naging benepisyaryo ng naturang kaganapan na naging posible sa ilalim ng pamumuno ni Gobernador Victorino Dennis M. Socrates.
Ayon sa Palawan Provincial Information Office, ang mga naturang barangay ay kabilang umano sa Clustered 1 Barangays na binubuo ng Barangay Mendoza, Bagong Bayan, Taradungan, Tumarbong, Antonino, San Isidro, Dumarao, Iraan, at Sandoval.
Kabilang sa mga libreng serbisyo na ipinagkaloob sa mga mamamayan ay ang serbisyong pangkalusugan gaya ng medical consultation, dental services, libreng tuli, pagkakaloob ng mga bitamina at mga gamot sa pamamagitan ng Provincial Health Office (PHO).
Nagkaloob din ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ng libreng psychosocial services at learning materials para sa mga Child Development Workers. Habang namahagi naman ng vegetable seeds ang Provincial Agriculture Office (PAgO).
Namahagi rin ang tanggapan ng Provincial Veterinary Office (PROVET)ng mga bitamina at pampurga para sa mga alagang aso at pusa at iba pang maliliit at malalaking alagang hayop. Nakatanggap din ng bigas ang mga residente mula pa rin sa Pamahalaang Panlalawigan.
Dagdag dito, nagsagawa rin ng job fair para sa mga naghahanap ng trabaho ang Provincial Public Employment Service Office (PESO) habang ang SPS Alay sa Kabataan Program naman ay nagsagawa ng orientation para sa mga kabataang nais maging iskolar ng Pamahalaang Panlalawigan.
Maliban dito, nagbigay rin ng iba’t ibang serbisyo ang Philippine Statistics Authority (PSA), MBLT 3, 2nd Palawan Mobile Force Company at iba pang katuwang na mga ahensiya.
Layunin ng naturang caravan na mailapit sa mga Palaweño ang mga libreng serbisyong kaloob ng Pamahalaang Panlalawigan na inisyatibo ni Gob. Socrates.
Samantala, nakatakda namang tumungo ngayong araw ng Huwebes, Abril 11 hanggang 12, ang grupo sa Cluster 2 at 3 Barangays ng nasabing bayan.