Binuksan na sa publiko ang bagong atraksyon sa lungsod ng Puerto Princesa—ang Rural Agricultural Center o RAC na isang demonstration farm ng City Agriculture Office (CAO) para sa mga highland farming activities.
Ang proyekto ay handog ng lokal na ahensiya sa mga magsasaka ng lungsod na patuloy na nagsisikap upang masigurong mayroong pagkain sa hapag ang bawat pamilya.
Sa pakikipag-ugnayan ng
Repetek News
sa pamunuan ng RAC, anila, layunin ng proyekyo na magkaroon pa ng mas malalim na kamalayan ang mga magsasaka patungkol sa tamang teknolohiya ng pagsasaka sa mga rolling na lugar.“RAC-Mangingisda is a demonstration farm for Sloping Agricultural Land Technology. Meaning, isa pong uri ng pagsasaka sa isang dalisdis na lugar. Nais po naming ipakita na kahit nasa dalisdis o bulubunduking lugar ang isang lugar, which is the case for many farms in PPC, ay posible itong gawing produktibo gamit ang sustenable at makakalikasang paraan ng pagsasaka,” ayon sa pamunuan.
Anila, ipinapakita rin ng naturang demonstration farm kung paano magsaka sa isang lugar na limitado ang tubig at kung anong klaseng mga tanim ang angkop dito.
Maliban dito, matututunan din sa RAC ang mga pamamaraan para mapigilan ang soil erosion at mapanatili ang soil fertility.
Binigyang-diin pa ng pamunuan na hindi lamang agrikultura ang makikita sa RAC, tampok din dito ang turismo at pangangalaga sa kalikasan.
“Sa aspeto ng turismo, halos 360 degrees po ang makikitang view [r]ito. Makikita mula sa RAC ang Puerto Princesa Bay, portion of Honda Bay, Turtle Bay, Binunsalian Bay, mountains of Puerto Princesa City at ‘yung kapatagan at kabayanan ng PPC,” dagdag pa ng pamunuan.
Paglilinaw ng pamunuan, ang RAC ay naiiba sa Gintong Butil Agri Farm, na isa rin sa demonstration farms ng CAO.
Anila, bagaman parehong sustainable farm ang dalawa— ito ay magkaiba ng farming system, magkaiba rin ng uri ng crops na nakatanim at pino-propagate at iniaalok na farm tourism value.
“Basically, walang duplication sa dalawang demo farm. Magkaibang-magkaiba po sila,” binigyang diin pa ng pamunuan.
Ang Rural Agricultural Center (RAC) – Mangingisda, Puerto Princesa City ay pormal nang binuksan sa publiko nito lamang Disyembre 21, taong kasalukuyan.
Ito ay nasa mataas na bulunbunduking bahagi ng Bgy. Mangingisda kaya’t kinakailangan pang umakyat sa itaas na bahagi upang makita ang kabuuan ng farm.
Ito ay bukas simula 9:00 a.m. hanggang 5:00 p.m. tuwing araw ng Sabado at Linggo. Ang RAC ay matatagpuan sa 3.5 kilometro mula sa intersection ng Bgy. Luzviminda patungong Bgy. Mangingisda. Kilala rin ito sa pangalang SALT at contour.
Paalala naman ng pamunuan sa mga bibisita sa farm, sundin ang mga ipinatutupad na alituntunin para maiwasan ang mga hindi kanais-nais na pangyayari.