Photo courtesy | TOW WEST
Ni Marie F. Fulgarinas
PUERTO PRINCESA CITY – Tumanggap ng ayuda o tulong nitong Biyernes, Enero 19, ang labing-anim (16) na pamilya na biktima ng sunog sa MP Road, Barangay San Miguel, lungsod ng Puerto Princesa.
Matatandaang sumiklab ang sunog nitong madaling ng Miyerkules, ika-17 ng kaparehong buwan, kung saan tinupok ang nasa walong kabahayan, mga ari-arian, at nakapagtala ng isang casualty makaraang malapnos ang balat ng binatang sumaklolo sa mga residenteng na-trap sa loob ng nasusunog na kabahayan.
Ang ipinaabot na tulong sa mga biktima ay mula sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa tulong ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, Legislative Caretaker ng Ikatlong Distrito ng Palawan.
Batay sa ulat ng 3rd Palawan District Office, bawat pamilya ay tumanggap ng isang kartong food packs, balde na naglalaman ng mga hygiene kit, at iba pa.
Sa susunod na linggo, inaasahang mabibigyan ng tulong pinansyal ang mga biktima ng sunog pagkatapos ng isinagawang assessment ng DSWD sa mga ito na inisyatibo ng opisina ng 3rd District of Palawan na pansamantalang pinangangasiwaan ni House Speaker Romualdez.
Kaugnay rito, ang pamamahagi ng ayuda ay pinangunahan ng DSWD, kinatawan ng opisina ng ikatlong distrito sa pangunguna ni Karl Fernandez Legazpi, Executive Assistant, sa pakikipatulungan sa tanggapan nina Puerto Princesa City Councilor Elgin Damasco, at Bgy. San Miguel Punong Barangay Russel T. Gloriani.