PALAWAN, Philippines – Sa kabuuang animnapu’t aning (66) barangays sa lungsod ng Puerto Princesa, nanguna ang barangay San Pedro sa may pinakaraming naitalang vehicular accidents ngayong buong taon ng 2023.
Sa ibinahaging talaan ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO), nasa tatlumpu’t pitong (37) vehicular accidents ang nangyari sa naturang lugar.
Ayon kay Joy Iquin, tagapagsalita ng PPCPO, marami ang naitalang aksidente sa daan sa Brgy. San pedro dahil maraming sasakyan ang dumaraan dito.
“Mostly, San Pedro ang main highway going to downtown and vice versa, busy highway siya kaya [marami ring] accident na naitala,” ani Iquin.
Batay pa rin sa inilabas na datos ng pulisya, maliban sa San Pedro, kabilang din sa top 10 mga nangunang barangay na may pinakamataas na naitalang vehicular accidents ang Bgy. San Jose at San Miguel na parehong nakapagtala ng 18 na kaso, sumusunod ang Bgy. Irawan na mayroong siyam (9) na naiulat na kaso habang parehong may walong kaso naman ang Bgy. San Manuel at Tagburos.
Kasama rin ang Bgy. Napsan at Bacungan na pareho ring nakapagtala ng pitong (7) naiulat na kaso ng vehicular accidents, anim (6) sa Bgy. Bancao-Bancao habang parehong nakapagtala naman ng limang (5) kaso ng vehicular accidents ang Bgy. Inagawan at Maoyon.
Ayon pa kay Iquin, ang mga nabanggit na aksidente sa daan ay pawang mga nai-file sa prosecutor’s office at nailagay sa crime incident reporting analysis system ng Philippine National Police o PNP.
Hindi naman kasama sa talaan ang self-crash incidents.