Photo courtesy | AFP

PUERTO PRINCESA — Nagsagawa ng unang Unilateral Training Exercise sa Kota Island, West Philippine Sea (WPS) ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong nakalipas na Miyerkules, Nobyembre 6, taong kasalukuyan.

Bahagi ng Armed Forces Joint Exercise na “Dagat-Langit Lupa” ang aktibidad na magpapahusay sa kakayahan sa depensa ng bansa sa AJEX DAGIT-PA 08-2024.

Nagtungo sa isla ng Kota Island ang BRP Ramon Alcaraz (PS-16) habang ang mga rigid hull inflatable boats (RHIB) nito ang tumungo sa kalupaan ng isla upang magsagawa ng drills.

Nagsanay sa mekanisadong pamamaraan ng pag-atake ang mga kalahok habang ang NC212i ng Philippine Air Force ay nagbigay ng suportang logistik ng mga mahahalagang suplay partikular ng pagkain at kagamitan.

Ayon sa sandatahan, ang pagsasanay ay nagsisilbing kritikal na hakbang sa matatag na decision-making ng bansa upang ipagtanggol ang anumang maritime controlled area ng bansa sa West Philippine Sea.

Inihayag ni AFP Chief of Staff General Romeo S. Brawner Jr. ang kahalagahan ng pagsasanay sa pagpapahusay ng kakayahan sa depensa o pagtanggol sa maaaring conflict na kakaharapin ng bansa.

“This exercise marks a significant step in strengthening our national defense capabilities and ensuring that we are prepared to defend our sovereignty and sovereign rights. Today, our forces demonstrate the unwavering commitment to protecting the West Philippine Sea and our nation’s future,” ani Brawner.

Binibigyang-diin niya na sinisikap ng Armed Forces of the Philippines na pahusayin ang mga panlabas na kakayahan sa pagtatanggol sa soberenya ng bansa.