PUERTO PRINCESA CITY — DAHIL sa matinding tag-init dala ng El Niño phenomenon, isinailalim na sa State of Calamity ang bayan ng San Vicente sa bisa ng Resolution No. 102, Series of 2024 nitong Martes, Marso 26.
Ayon sa Sangguniang Bayan Council, nauna nang nagdeklara ang mga Barangay Council ng Bgy. Poblacion, Port Barton, at New Agutaya na naging batayan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) para sa kanilang rekomendasyon sa Sanggunian.
Kasabay ng deklarasyon ang agarang pag-aproba ng Sanggunian sa Proposed Supplemental Budget ng Local Government Unit (LGU) na may kabuuang halaga na 9.2 milyong piso mula sa Savings ng Calendar Year 2023 at 2024 Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF).
Ang nasabing budget ay gagamitin upang makabili ang lokal na pamahalaan ng San Vicente ng dalawang (2) unit ng Water Tank Truck na may halagang 5.6 milyong piso at isang (1) unit ng Water Desalination Machine na nagkakahalagang 3.6 milyong piso.
“The Proposed supplemental budget is necessary to finance critical programs, projects and activities (PPAs) geared towards addressing the gradual devastating effects of El Niño phenomenon that has significantly affected the livelihood of our farmers, laborers, and indigent workers, ” ayon sa inilabas na mensahe ng opisina ni Punong Bayan Amy Roa Alvarez.
Samantala, paalala rin ng LGU sa mga mamamayan ng San Vicente na doble-ingat sa nararanasang tag-init, at umiwas munang ma-expose sa init at palaging magbaon ng inuming tubig upang maiwasan ang mga sakit na maaaring hatid nito.