PUERTO PRINCESA CITY — NAGSAGAWA ng pamamahagi ng mga relief goods ang opisina ni Vice President Sara Duterte-Carpio, kung saan higit sa dalawanlibong (2,000) pamilyang naapektuhan ng matinding pagbaha ang naging benepisyaryo sa ikalawang araw ng pamamahagi ng naturang tulong
na ginanap nitong nakalipas na Huwebes, Pebrero 27.
Namahagi ang grupo ng tag-sampung kilong bigas, mga delatang pagkain na kontribusyon mula sa isang shopping lungsod, at mahigit 9,100 na instant noodles na contribution mula kina Atty. Joel at Maricar Tan.
Aabot sa 2,275 apektadong pamilya ang naging benepisyaryo ng nabanggit na aktibidad na mula pa sa mga barangay ng
Liwanag, Model, Maunlad, Mandaragat, Matiyaga, Matahimik, San Manuel, San Pedro, at Tagumpay.
Ang nasabing operasyon ay naisagawa sa ilalim ng OVP-Disaster Operations Center katuwang ang Lokal na Pamahalaan, City Social Welfare and Development (CSWD) at Philippine Coast Guard (PCG).
Samantala, umabot na sa 7,468 apektadong pamilya ang natulungan ng Office of the Vice President (OVP) matapos ang malawakang pagbaha kamakailan na nagresulta ng pagsasailalim sa lungsod ng State of Calamity. | via Vivian Bautista