(Photo courtesy | SPM/Palawan Perfect)
PUERTO PRINCESA CITY – Nababahala ang Save Palawan Movement (SPM) sa operasyon ng Coal Fired Power Plant ng D.M. Consunji Inc. o DMCI sa bayan ng Narra, Palawan, sa kabila ng hindi pagtupad sa mga kondisyon na nakasaad sa Environmental Compliance Certificate (ECC) ng kumpanya.
Sa Facebook post, inihayag ng organisasyon ang kanilang pagkabahala sa magiging epekto ng operasyon ng planta matapos ang sunud-sunod na pagkawala ng daloy ng enerhiya sa lungsod at iba pang munisipyo sa lalawigan.
“Maraming katanungan ang grupong SPM sa mga kinauukulan gaya ng [Palawan Electric Cooperative, Palawan Council for Sustainable Development, at Department of Environment and Natural Resources] tungkol sa epekto ng isinasagawang operasyon ng coal plant na nagdudulot ngayon ng malawakang pagkawala ng kuryente sa lungsod ng Puerto Princesa at mga munisipyo sa Palawan,” pagsasaad ng grupo.
Tanong ng grupo, bakit umano pinayagan ng PALECO ang DMCI na mag-umpisa sa kabila na “testing stage” pa lamang ang proyekto nito. Anila, marami pa umanong kakulangan ang kumpanya sa mga kinakailangang proseso na nakasaad sa kanilang environmental compliance certificate at Strategic Environmental Plan (SEP) clearance.
“[Mahalaga] ang pagsunod ng DMCI sa listahan ng mga kinakailangan na nakasaad sa ECC at SEP Clearance upang [masiguro] na hindi mapapahamak ang mga Palawenyo at ang kapaligiran,” pagbibigay-diin ng grupo.
Panawagan ng grupo, nararapat na magkaroon ng hayagang proseso na may partisipasyon ang bawat mamamayan at magkaroon ng masusing pagsubaybay kasama ang mga kinauukulang ahensya, non-government organizations (NGOs), civil society, Member-Consumer-Owner (MCO) o grupo ng mga kamay-ari sa anumang proyekto o panimulang operasyon ng planta ng coal sa Palawan. (via Marie F. Fulgarinas)