Photo Courtesy | PPCIO

Ni Marie Fulgarinas

PALAWAN, Philippines — Muling magbabalik sa darating na Sabado, Abril 20, ang programang Save the Puerto Princesa Bay na inisyatibo ng Pamahalaang Panlungsod upang ibalik muli ang kalinisan ng mga pangunahing baybayin sa lungsod.

Sa ikapitong episode nito, napiling pagdausan ng programa ang basketball court ng Brgy. Masipag kung saan mapapaloob ang coastal cleanup mula sa Puloy Street ng Brgy. Bagong Sikat hanggang Parola, Purok Mameng ng Brgy. Bagong Silang.

Sa ulat ng City Information Office ng Puerto Princesa, sinimulan ang nabanggit na programa noong nakaraang buwan ng Hulyo 2023 na layuning mailigtas ang karagatan at anumang marine species na naninirahan sa mga ito.

Dagdag dito, layon din ng programa na maging malinis ang mga dalampasigan sa lungsod, mailigtas ang mga naninirahan sa mga coastal barangays at mailipat ang mga ito sa mas ligtas at maayos na tirahan, at mapalakas ang water-based sporting events at iba pa sa lungsod ng Puerto Princesa.

Sa mga nakalipas na episode ng Save the Puerto Princesa bays, mahigit 433 toneladang basura mula sa iba’t ibang dalampasigan ang nakolekta’t nailagak sa maayos na landfill.

Sa ngayon, inaanyayahang muli ang mga taga-lungsod na makilahok sa programang “together, we will Save the Puerto Princesa Bay!”

Author