PALAWAN, Philippines — Ngayong darating na buwan ng Oktubre, nakatakdang ilunsad sa lahat ng pampublikong paaralan sa lungsod ng Puerto Princesa ang School-based Immunization o SBI.
Masusing tinalakay ng mga kawani ng Department of Education (DEPED) Schools Division Office (SDO) Puerto Princesa, City Health Office, at iba pang sangay pangkalusugan ang magiging implimentasyon ng programa sa nabanggit na buwan.
Ayon sa Kagawaran ng Kalusugan, hinihikayat nila ang lahat ng mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak upang maging ligtas ang mga ito sa sakit gaya ng Measles, Rubella, Tetanus, Diptheria, at Human Papilloma Virus (HPV).
Tinitiyak din ng ahensya na ligtas, epektibo, at subok na ang mga bakunang ito. Kaugnay rito, kanilang inaasahan na mas mapataas pa ang porsyento ng mga kabataang bakunado laban sa mga Vaccine-preventable Diseases (VPDs) at iba pang mga sakit.
Ang School-based Immunization ay isang programa ng Department of Health sa pakikipag-ugnayan sa Department of Education na naglalayong makamit ang Sustainable Development Goal o SDG upang matiyak ang buhay at kagalingan ng mga bata sa lahat ng edad at magkaroon ng malulusog na bata sa mga silid-aralan na protektado mula sa anumang uri ng sakit o karamdaman.
Una nang isinasagawa ang SBI sa bansa ngunit natigil nang magkaroon ng COVID-19 pandemic. Kaya ngayong balik na sa face-to-face classes ang mga paaralan, itutuloy na ito upang masiguro ang proteksyon at kalusugan ng bawat batang Palaweño.