Mayroong karagdagang itinatayong atraksyon sa Balayong People’s Park, ito ang ang Screaming Eagle Zipline na proyekto ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa, ayon kay Punong Lungsod Lucilo Bayron.
Ang zipline ay magsisimula sa old city hall hanggang sa malapit sa highway ng Barangay Sta. Monica. Mayroong 700 hanggang 800 metrong haba.
“Kaya tinatawag na screaming zipline kasi kapag malakas ang sigaw mo at inabot ng certain level doon sa pangkuha ng sound, ‘yung decibel counter hindi ka kailangang magbayad sa pagsakay sa zipline kung hindi mo inabot pero malakas pa rin [mayroon] kang 50% discount,” paliwanag ng alkalde.
Nilinaw ni Bayron ito ay hindi itinayo para kumita ang lokal na pamahalaan kundi bilang dagdag atraksyon sa mga bibisita sa parke.
Maliban dito, inanunsyo rin ng Alkalde ang paglalagay ng skate park sa loob pa rin ng Balayong People’s Park.
“Yung skate board ay isa ng olympic event, nakikita natin ang mga kabataan natin sa kalsada kung saan saan sila naglalaro ng skate board. Kailangan na siguro sila gawan na natin ng isang permanenteng lugar para doon sila magkita-kita para makapag-conduct din tayo ng mga palaro [roon],” ayon pa kay Bayron.
Alinsabay sa pagdiriwang ng ikawalong taon ng Balayong Tree Planting and Nurturing Festival 2024 ang inagurasyon ng expanded children’s playground sa tabi ng learning pod.
“Dito sa Balayong Park ang bawat henerasyon ay mayroong mapupuntahang lugar. Itong proyekto ay handog ng mega apuradong administrasyon sa mga tagapagmana ng lungsod ng Puerto Princesa — Pag-asa ng ating bayan,” ani Bayron.
Samantala, nagbigay naman ng libreng burger sa mga kabataang naglalaro sa playground si Konsehala Judith Bayron.