Photo courtesy |

Repetek News

Team

Inanunsyo ni Punong Lungsod Lucilo Bayron na papasukin na rin ng lokal na pamahalaan ang Seafood Culinary Tourism.

Aniya, mas pinasisidhi ang pangarap na ito dahil sa proyektong Integrated Fish Port sa lungsod na pinondohan ng 600 milyong piso ng Philippine Fisheries Development Authority o PFDA.

Matatandaan sa mga naging unang pahayag ni Bayron, ang dalawang fishports sa lungsod ay itatayo sa Jacana at Buenavista. Ayon sa PFDA, ang fish landing sa Buenavista ay magandang lugar para pagtayuan ng fishport.

“Mayroong Integrated Fish Port d’yan sa Jacana, magkakaroon ng another one, para makuha natin ‘yung production ng West Philippine Sea (WPS) [r]oon sa [Barangay] Buenavista.

At siyempre ‘pag may Integrated Fish Port tayo mayroong mga facility ‘yan, may ice plant, may cold storage, may bibili ng isda nila, diyan nila ibaba ‘yan. Kokompyutin lang ‘yan saan ang malaking kita, diyan ba o sa Navotas?.

After computing everything, mas maganda pala rito, dito nila dadalhin ang kanilang production so dadami ang isda dito sa atin at mga marine products at d’yan magsisimula ng ating Seafood Culinary Tourism”, paglalahad ng alkalde sa pangarap na Seafood Culinary Tourism.

Ang proyektong Integrated Fish Port ay magbibigay ng napakaraming oportunidad at trabaho sa mga mamamayan at malaki ang maitutulong para magkaroon ng food security.

Ito ay isa sa mga poverty alleviation measure ng kasalukuyang administrasyon sa layuning maiangat ang antas ng kabuhayan ng mga mangingisda sa lungsod.