PUERTO PRINCESA CITY — Walang ideya si Department of Tourism (DOT) Secretary Maria Ezperanza Christina Garcia-Frasco hinggil sa bali-balitang pagsasara ng bayan ng Coron at El Nido, Palawan, dahil sa patuloy na pagtaas ng datos ng fecal coliform at iba pang waterborne diseases na nauulat mula sa dalawang bayan.
Sa panayam ng local media sa kalihim nitong Biyernes, Abril 12, inihayag ni Frasco na ‘unaware’ siya sa nasabing isyu ngunit aniya’y nagkaroon ng pag-uusap ang kaniyang opisina kasama ang mga alkalde ng nabanggit na bayan at mga kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na sina Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. at Sec. Maria Antonia Yulo-Loyzaga sa magiging kolaborasyon ng nasyunal at lokal na pamahalaan upang bigyang-prayoridad ang mga bagay na may kinalaman sa pagpapanatili ng kaayusan ng tourism sites sa lalawigan.
“First of all, I don’t know the source of that information. [A]s far as I am aware from my meeting with the mayors of Coron and El Nido yesterday, together with the Secretary of Interior, Sec. Abalos, and Environment Secretary Loyzaga, pinag-usapan po namin ay magko-collaborate po ang national at local governments in order to focus on certain things that need vast improvement,” pahayag ng kalihim.
Ani Fracso, nakatuon sila sa pag-unlad ng water sources, waste water treatment, sewerage treatment plant, at landfill na aniya ay “absolutely necessary” upang hindi magkaroon ng “hazardous waste” sa mga water systems sa bansa partikular ang bayan ng Coron at El Nido, Palawan.
“[S]ourcing of water, treatment ng waste water, sewerage treatment plant na kinakailangan din, at landfill — that is absolutely necessary — in order na hindi po tayo magkakaroon ng seepage [at] hazardous waste sa ating water systems.
And finally, ‘yung overall and comprehensive sustainable tourism para sa province ng Palawan and specific to these two municipalities which, of course, [continuously bringing] tourists from all over the world,” ani Frasco.
Binigyang-diin din ng kalihim ang collaborative effort ng kaniyang opisina sa mga local mayors upang makuha nito ang kanilang “commitment” na bigyang prayoridad ang pagpapaganda ng kalidad ng tourism sites sa nabanggit na mga bayan sa pamamagitan ng “water quality provision” at “proper treatment” ng waste water.
Aniya, kinakailangan ding magkaisa ang mga government agencies para sa hakbanging tourism sustainable management upang bigyang-pansin ang mga problema sa tourist destinations sa Palawan.
Sinabi rin ng kalihim na dinala niya ang team ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority o TIEZA, ang attached agency ng Kagawaran ng Turismo, para pag-usapan ang tourism sustainable management sa mga tourism sites ng bayan ng Coron at El Nido upang hindi maging “grounds for closure”.
“If we do not give the proper attention to [water sources], treatment of waste as well as sustainable tourism initiatives, siyempre, magli-lead po iyan sa degradation ng ating tourism destinations kaya naman po ay priority talaga ng Marcos Administration na gumawa tayo ng hakbang — so that there will be no closure and rather just a sustainable tourism management sa ating mga tourism destinations,” dagdag ng kalihim.