LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA — Bumisita nitong Marso 2, 2024, si Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco “Kiko” Tiu Laurel, Jr. sa mga magsasaka sa lalawigan upang talakayin ang kinakaharap na problema ng mga ito na may kaugnayan sa sektor ng agrikultura.
Ayon sa tanggapan ng DA Region IVB, tinalakay sa pagpupulong ang mga agarang tulong na maaaring ibigay ng kagawaran lalo na sa panahon ng El Niño, mga posibleng pagpapalawak ng mga palayan sa katimugang Palawan upang maging isa sa major source ng bigas sa buong Pilipinas, pagpapatayo ng karagdagang patubig, at iba pang potensiyal ng distrito sa larangan ng agrikultura.
Nagsagawa rin ng aerial inspection ang grupo ng kalihim sa nasabing distrito upang personal na malaman ang kasalukuyang sitwasyon ng mga magsasaka roon.
Nakiisa sa naturang kaganapan sina DA Undersecretary for Operations Roger Navarro, National Food Authority Administrator Roderico Bioco, DA-MIMAROPA Regional Executive Director Atty. Christopher Bañas, Regional Technical Director for Operations Vener Dilig, National Irrigation Administration Regional Manager Ronilio Cervantes.
Naroon din sina Narra Mayor Gerandy Danao, Vice Mayor Marcelino C. Calso Jr., at ilang mga kawani ng lokal na pamahalaan.
Samantala, nangako rin ang kalihim ukol sa pagpapatayo ng water impounding system, solar-powered irrigation system, mga soil laboratory, at karagdagang mga makinaryang pansaka upang palakasin ang produksiyon ng palay sa lugar.