“ITAGA MO SA BATO,” ito ang mensahe ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa sa ipinangakong ayuda na inaasahang ipapamahagi para sa mga magsasaka at mangingisda sa bayan ng Narra, Palawan.
Pinaunlakan ng senador ang imbitasyon ni Mayor Gerandy B. Danao para maging panauhing pandangal sa pagbubukas ng 21st Palay Festival.
Sa isinagawang “Farmers and Fisherfolk Meet and Greet”, ipinangako ni Dela Rosa na kung sakali man palaring manalo sa susunod na eleksyon ay asahan umano ng mga magsasaka at mangingisda sa Narra na isasama niya sa budget deliberation ang pamamahagi ng ayuda sa mga ito para maibsan ang kanilang kinahaharap na suliranin.
Ito ay matapos idulog ng mga magsasaka at mangingisda ang kanilang hinaing patungkol sa pagtaas ng presyo ng fuel, programang pangkabuhayan bilang alternatibo at karagdagang pagkakakitaan ng mga mangingisda na naaapektuhan tuwing may bagyo, at bangka na magsisilbing rescue boat sa iba pang mangingisda na nagkakaroon ng aberya sa laot.
Kabilang din ang kahilingan ng mga magsasaka na matulungan silang mailabas ang kanilang produkto sa pamamagitan ng pagbubukas ng parami pang farm-to-market roads.
Ipinangako ni Sen. Dela Rosa, bilang ikalawang taga-pangulo ng komite sa agrikultura, na didinggin niya ang idinudulog ng mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng mga ayudang ipapamahagi gayundin ang bangka at ang bagong itatayong fishport building sa bayan ng Narra na makatutulong sa pamumuhay ng mga ito.
“Pagsusumikapan ko na ang mga ipinangako ko sa inyo, itaga niyo sa bato ay gagawin ko,” pangako ni Sen. Bato.
Samantala, hindi naman maipapangako ng Senador ang isyu sa pagtaas ng presyo ng fuel.