PUERTO PRINCESA CITY — NAGPAHAYAG ng kanyang pagkabahala si Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros sa pag-upa ng napiling gagamiting mga automatic voting machine (AVM) para sa 2025 National at Local Elections.
Sa kanyang privilege speech nitong Lunes, Marso 18, binanggit ng Senadora ang ilang isyu patungkol sa automatic voting machine, isang Joint Venture na binubuo ng Miru ng bansang South Korea Systems Co. Ltd., at mga kumpanya sa Pilipinas na Integrated Computer Systems, St. Timothy Construction Corporation, at Centerpoint Solutions Technologies.
Ayon kay Hontiveros, nababahala siya kung bakit pinahintulutan ng Commission on Elections (COMELEC) ang isang kumpanya na sangkot umano sa iba’t ibang kontrobersiya sa halalan sa ibang bansa na sumali sa bidding.
“Always, but especially in these turbulent and divisive political times, the people’s right to suffrage must be protected from fraud or the perception of fraud and kept sacrosanct,” ani Hontiveros.
“Bakit pinapayagan ng poll body ang paggamit ng mga prototype machine sa panahon ng post-qualification, na hindi alinsunod sa Republic Act No. 8436, ang Automated Election Law? At kung mayroon nga bang mapagkumpitensyang pag-bid,” dagdag pa niya.
Matatandaang, inaprubahan ng Commission on Elections En Banc noong Perbrero 21 ang nasabing kompanya upang maging service provider sa gaganaping Halalan 2025, na kung saan ang kontrata nito ay nagkakahalaga ng 17.9 bilyong piso, mas mababa kumpara sa budget ng Comelec na P18.8 bilyon.