Photo courtesy | CPO Myla Tiu PN
PUERTO PRINCESA CITY – Nagsagawa ng send-off at welcome ceremonies ang Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Command (WesCom) sa Antonio Bautista Air Base (ABAB) Ramp nitong nakalipas na Linggo, Enero 7.
Pinangunahan nina Vice Admiral Alberto Carlos PN, Commander ng AFP Western Command (WESCOM) at Brigadier General Antonio Mangoroban Jr. PN(M), Commander ng 3rd Marine Brigade (3MBde) ang seremonyas upang markahan ang pagpapalitan ng dalawang Force Reconnaissance Companies (FRCs) ng Philippine Marine Corps (PMC).
Sa kaganapan, malugod na nagpaalam ang mga tropa ng 65th FRC, sa ilalim ng pamumuno ni Kapitan Jerby Alparaz PN(M) para sa kanilang nakatakdang muling pagsasanay sa Marine Barracks Gregorio Lim sa Ternate, lalawigan ng Cavite.
Habang ang 61st FRC na pinamumunuan ni Captain John Siamen PN(M) naman ang kanilang naging kahalili sa nabanggit na kampo.
Nagsilbing pagpupugay ang dalawang aktibidad sa mga nagawa ng papalabas na yunit habang tinatanggap at ipinapahayag ang tiwala sa mga kakayahan ng kahalili nito.
Ang grupo ng 65th FRC ay itinalaga umano sa lalawigan ng Palawan mula Hulyo 15, 2020 hanggang Enero 7, 2024.
Ayon sa pamunuan ng Wescom, sa panahon ng panunungkulan nito ang nasabing grupo ay may mahalagang ginampanang papel ukol sa pagsasagawa ng joint at multi-agency operations na naglalayong harangin o pigilin ang mga teroristang grupo.
Samantala, ang 65th FRC ay nagbigay ng suporta para sa pagpapatupad ng mga batas at epektibong pagbabantay sa teritoryo sa loob ng joint operational area ng WESCOM.