PHOTO | SMAPSE

Ni Ven Marck Botin

INILABAS ng Commission on Higher Education (CHED) ang isang show cause order laban sa pamunuan ng Philippine Christian University (PCU) kaugnay sa “series of offenses” batay sa initial findings ng komisyon, nitong ika-15 ng Agosto.

Sinabi ng komisyon na bilang pagprotekta sa publiko at pagtalima sa umiiral na batas at regulasyon, ang nabanggit na unibersidad ay inatasan na itigil ang anumang pagbibigay o pagpapatupad ng programang walang kaukulang dokumento.

“[The] PCU is ordered to immediately cease and desist from offering and implementing any and all programs for which it does not have official CHED permit, recognition or authorization to offer or conduct, including but not limited to, transnational higher education, distance education and fully online classes,” pahayag ng Commission on Higher Education.

Pagbibigay-diin ng komisyon, ang kautusan ay alinsunod sa Batas Pambansa Bilang 232 at Batas Republika Bilang 7722 dahil sa serye ng mga paglabag ng unibersidad.

Anila, ang mga paglabag ng unibersidad partikular na sa pagbibigay ng “transnational higher education (TNHE) programs” na walang kaukulang permiso; hindi pagsumite ng “relevant data on its international institutional partners gaya ng notaryadong Memorandum of Agreements, accomplished activities, at iba pa; hindi pagsunod sa “prescribed faculty to student ratio for its Doctor of Philosophy in Business Management program”; pag-anunsyo ng TNHE programs na walang pahintulot mula sa pamunuan ng CHED; pakikipagtulungan sa mga institusyong hindi awtorisadong magbigay ng “quality higher education”, at iba pang may kaugnayan dito; at pagbibigay ng shortened graduate programs sa pamamagitan ng extension classes gaya ng distance education at online modalities ng walang permiso.

Ang kautusan ay pirmado ni CHED Chairperson Prospero De Vera III.