SUPORTADO ng Sangguniang Panlungsod ang Petisyon para sa Institusyunal na Reporma at Maayos na Administrasyon sa Paleco o PIRMA, isang signature campaign.
Sa privileged speech ni City Councilor Nesario Awat sa regular na sesyon ng Sangguniang Panlungsod, ang PIRMA, ay isang kampanya na isinusulong ng ilang mga Member-Consumer-Owner ng Palawan Electric Cooperative (Paleco) na pinangungunahan ni PIRMA Convenor Tony Cabrestante at iba pang kritiko ng kooperatiba.
Layunin ng grupo na makalikom ng mga pirma na isusumite sa Cooperative Development Authority (CDA) para obligahin ang pamunuan ng Paleco na magsagawa ng Annual General Meeting Assembly (AGMA) ngayong buwan ng Hulyo 2024.
“This is a matter, we need to support from the petitioner or from the one advocating for the earlier general assembly of Paleco. As I believed the most powerful body in a cooperative or any organization for that matter is the general assembly and this is called if our governance as a peoples’ initiative,” ang tinuran ni Awat, siyang may-akda ng resolusyon.
Matatandaan, ang AGMA ay dapat isasagawa noong Mayo 25 ngunit dahil sa mataas na heat index sa siyudad ito ay ipinagpaliban ng Paleco at inilipat sa Nobyembre 16. Dagdag pa ni Awat, ang Sangguniang Panlungsod ay nagpasa rin ng isang resolusyon na tumututol sa pagpapaliban ng AGMA.
Bilang suporta sa PIRMA, nagpasa ng dalawang resolusyon si Awat. Una, resolusyon na humihikayat sa mga mamamayan ng Puerto Princesa na suportahan ang naturang kampanya.Pangalawa, resolusyon na sumusuporta sa PIRMA.
Ang dalawang nabanggit na resolusyon ay sinuportahan naman nina City Councilors Luis Marcaida lll at Elgin Damasco.Ani Kgd. Marcaida, ang sitwasyon sa patay-sinding ilaw sa lungsod ay hindi nagbabago sa halip ito ay mas lumalala kaya mainam lamang na agarang pagpaliwanagin ang Paleco, dagdag pa rito ang mataas na singil sa kuryente.
“Parang mas lumalala ang sitwasyon natin dito sa Puerto Princesa and magugulat ka nalang pagbayad mo ng bill mo account mo napakalaki ng binabayaran mo despite the fact na panay brownout. Ang taas masyado ng binabayaran natin— “and the situation is not improving, it is actually deteriorating”,” ayon kay Marcaida.
Batay naman sa binasang liham ni Kgd.Damasco mula sa CDA, ang tanging inaprubahan lamang ng CDA ay ang pagreschedule ng AGMA at hindi ang petsa nito na ilipat sa Nobyembre 16 ang taunang pagpupulong.
“This office recognizes an approved is the resolution of the [Paleco] board to reschedule the conduct of AGMA. However, the office does not confirm the proposed rescheduled date on November 16,2024 as it is contrary to the previous request to the start of the wet season,” pahayag ng Kagawad.
Sa naunang liham ng Paleco sa CDA, nakasaad ang pagsasagawa ng AGMA sa pagpasok ng wet season. Dagdag ni Damasco, ayon sa The Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA, ang bansa ay mayroong dalawang major season; rainy at dry season.
Ang rainy season ay simula buwan ng Hunyo hanggang Nobyembre. At ang dry season naman ay papasok sa buwan ng Disyembre hanggang Mayo.
Ang dry season ay nahahati rin sa dalawa; cold dry season na nararamdaman tuwing Disyembre hanggang Pebrero at hot dry season naman na sumasapit tuwing Marso hanggang Mayo.
Kaugnay nito, nagpasa rin ng isang resolusyon si Kgd. Damasco na humihiling sa CDA na obligahin ang Paleco na magsagawa ng AGMA bago magtapos ang buwan ng Hulyo 2024.