(Photo courtesy | City Information Department of Puerto Princesa)
PALAWAN, Philippines – Magkakaroon ng Local Public Transport Route Plan Simulation Exercise (LPTRP Simex) para sa anim (6) na bagong ruta ng mga Public Utility Vehicles (PUVs) sa lungsod ng Puerto Princesa sa darating na Disyembre 7 hanggang ika-9 ng nasabing buwan, ayon sa anunsyo ng City Information Office (CIO).
Ayon sa tanggapan, isasagawa ang nasabing simulation exercise upang tiyakin na maayos ang bagong ruta ng PUVs sa lungsod bago tuluyang ipatupad ang Local Public Transport Route Plan sa mga susunod na buwan.
Anila, ito rin umano ang magiging batayan upang matiyak ang tamang bilang ng sasakyan na ilalagay sa bawat ruta. Kaugnay rito, nilalayon din ng pagsasanay na agarang matugunan ang mga suliraning maaaring kaharapin ng pagpapatupad ng LPTRP sa lungsod.
“The SimEx will show the new routes of the Public Utility Vehicles under the LPTRP. The objective of this exercise is to determine the required number of authorized units for every route and to provide solutions to problems that may arise in the full implementation of the LPTRP,” saad ng tanggpaan.
Ang simulation exercise ay pangungunahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board Region IV-B (LTFRB MIMAROPA) bilang pagtalima sa ipinaiiral na kautusan ng pamahalaang nasyunal kaugnay sa PUV Modernization Program.
Samantala, nagpaalala naman ng ahensya sa mga commuters na hindi muna magagamit ang mga lumang ruta habang isinasagawa ang tatlong (3) araw na simulation exercise.
“Passengers will not be able to use the old routes during the 3-day SimEx,” paalala ng tanggapan.
ANO NGA BA ANG LPTRP SIMEX?
Ang LPTRP Simulation Exercise o SimEx ay isang hakbang na nagpapakita sa mga operators, drivers, at commuters ng mga pampublikong sasakyan sa magiging bagong ruta sa ilalim ng Local Public Transport Route Plan ng lungsod. Layunin umano ng SimEx makumpirma ang ‘Number of Authorized Units’ (NAU) na kailangan sa bagong ruta batay sa dami ng pasahero.
SINU-SINO ANG APEKTADO NG SIMEX?
Lahat ng PUV Operators na mayroong valid provisional authority (PA) ay makakasama sa SimEx. Lubos na maaapektuhan ang mga pasahero at tricycle operators dahil sa pagbabago ng ruta.
ANU-ANO ANG AASAHANG PAGBABAGO SA ARAW NG SIMEX?
Ayon sa City Information Office, ang mga aasahang pagbabago sa mismong araw ng simulation exercise ay ang mga sumusunod: pansamantalang pagtigil ng mga dati o nakasanayang ruta upang mas maging maayos ang ang isasagawang pagsasanay; pagpatupad ang provisional fare matrix; pagkakaroon ng temporary terminal sa SM at Robinsons Mall para sa mga piling ruta, at paglalagay ng mga transfer stations; sa highway na lamang maaaring sumakay ang mga pasahero dahil sa implementasyon ng eksaktong schedule na susundin ng mga PUVs bilang bahagi ng pagsasanay; mga lumang pampasaherong sasakyan o “existing PUV units” ang gagamitin sa SimEx at hindi modernized, ngunit sa full implementation ng Local Public Transport Route Plan Simulation Exercise, mga modernized units na ang gagamiting sasakyan. (via Marie F. Fulgarinas)