PHOTO//RPETEK NEWS TEAM

Ni Clea Faye G. Cahayag

IPINAKITA na sa publiko ang bagong mukha ng birthing facility sa barangay Irawan, lungsod ng Puerto Princesa.

Ang pagsasaayos ng pasilidad na ito ay naging posible sa pakikipagtulungan ng SM Foundation at City Government.

Sa mensahe ni Connie Angeles, Executive Director for Health and Medical Programs ng SM Foundation, Inc. (SMFI), ito na ang ika-195th health center na kanilang natulungang maisaayos sa buong kapuluan.

Ang SMFI ay mayroong apat na programa na binubuo ng education program, farmers’ training program, religious program, at health program.

Sa ilalim ng health program, layunin nito na makatulong sa pagsasaayos ng mga health centers upang ito ay maging ganap na DOH accredited upang mapalawak pa ang mga serbisyong ipinagkakaloob sa mga mamamayan.

“Katulad ng edukasyon naniniwala kami na mahalaga rin ang kalusugan kaya ang foundation ay tumutulong din sa pagtatayo at pagsasaayos ng mga health centers,”

“At dahil na rin sa mga kinakailangang improvement ng health center [sa barangay Irawan] inayos ito ng SM foundation at binigyan ng mga kinakailangang furniture, appliances, basic medical equipment, at inimprove ang inyong mga pasilidad,” ani Angeles.

Photo courtesy//

Repetek News

Team

Sa hiwalay na panayam kay City Health Officer Dr. Ric Panganiban, ang pasilidad na ito ang ika-siyam na birthing facility sa lungsod.

Binigyang-diin nito ang kahalagahan ng mga health centers upang mabawasan ang pagsisiksikan ng mga pasyente sa ospital.

Ani Panganiban, inaasahang bago magtapos ang taon ay magiging fully operational na ang Irawan Birthing facility.

Ayon naman kay Kapitan Noel Resuma, matagal nang pangarap ng kanilang barangay na magkaroon ng birthing facility upang maiwasan na ng mga kababaihan ang panganganak sa bahay na maaaring maglagay sa panganib ng buhay ng ina at ng sanggol.

Malaki ang maitutulong ng pasilidad na ito sa halos 10,000 residente ng naturang barangay upang makakuha ng serbisyong medikal.

Nilinaw ng Kapitan na ang Irawan Birthing Facility ay bukas maging sa mga kalapit barangay.

Samantala, dumalo rin sa inagurasyon si Punong Lungsod Lucilo Bayron.