PUERTO PRINCESA CITY — Sa press conference ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong araw ng Lunes, Agosto 19, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na ang mga datos na nakukuha ng kanilang ahensiya mula sa National Economic Development Authority (NEDA) at Philippine Statistics Authority (PSA) ay binabalanse ng social worker gamit ang lens.
Aniya, hindi lamang non-monetary indicators o numero ang ginagamit ng ahensya sa pagtukoy kung mahirap o hindi ang isang pamilya kundi ginagamit din ang social worker lens.
“Nilinaw naman ng NEDA na ang inilabas nilang food poor threshold ay isa lamang sa mga development indicators na ginamit nila. Sinabi nila na hindi rin naman ito ang gagamiting batayan para sa mga anti-poverty programs. Sa amin sa DSWD, ang data mula sa NEDA or PSA ay binabalanse naman namin with the social workers’ lens,” ani Secretary Gatchalian sa mga mamamahayag sa Central Office’s New Press Center.
Binanggit din ng kalihim ang paggamit ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa pamamaraang ito sa pagtukoy ng antas ng kapakanan ng mga benepisyaryo ng programa.
“Ang mga social workers natin pumunta isa-isa sa mga program beneficiaries natin across the country. Inalam ang case nila kung ano ba talaga ang nangyayari. Case management is very important. Hindi lang sa datos ay masasabi nating sila ay food poor o hindi. Sa amin pinaparisan namin ito ng case work,” paliwanag pa ng kalihim.
Palagi rin umanong bini-validate ng mga social worker ang mga numero ng lupa at batay sa lens ng mga social worker, ang ahensya ay gumagamit ng non-monetary indicators gaya ng access sa edukasyon o access sa kalusugan.
“Inalam din nila kung may solo parents ba ang pamilya, may persons with disabilities, iyong overall na pamumuhay nila. Hindi lang yung numero na binibigay ng NEDA o PSA ang ginagamit nating batayan para masabi nating mahirap o hindi mahirap ang isang pamilya. Inuulit ko, sinusuri yan ng ating mga social workers,” dagdag pa ni Gatchalian.
Sa ilalim ng 4Ps, sinusuri ang mga benepisyaryo ng programa gamit ang Social Welfare and Development Indicators (SWDI).
Ang 4Ps household ay ikinategorya sa ilalim ng tatlong antas: level 1-survival, level 2-subsistence, at level 3- self-sufficient.
Ang resulta ng gamit na ito ay nakakatulong umano sa programa sa pagtukoy ng mga kinakailangang interbensyon ng pamilya upang makamit ang sariling kakayahan.