PALAWAN, Philippines — Dahil sa mainit na usapin ng sambayanan ukol sa posibleng pagkakaroon ng giyera dahil sa pinag-aagawang isla sa West Philippine Sea (WPS), “manatiling kalmado”, ito ang mensahe ni Gobernador Victorino Dennis M. Socrates sa mga Palaweño hinggil sa usapin sa West Philippine Sea (WPS) sa isinagawang pagpupulong ng konseho nitong Hunyo 27 sa VJR Hall sa gusaling kapitolyo.
Aniya, malabo umano ang senaryo na magkaroon ng giyera sa pagitan ng dalawang bansa.
Naglabas din ng opisyal na pahayag sa publiko ang Provincial Peace and Order Council (PPOC) na huwag umanong basta maniwala ukol sa mga natatangap na text messages at nababasa sa social media hinggil sa isyu ng WPS.
“Basically ang mensahe ay huwag mangamba. Do not be afraid, ‘yan ang mensahe ng PPOC sa sambayanang Palaweño,” ayon sa opisyal.
“Hindi tayo makikipag-giyera. Apparently, ang order sa ating kasundaluhan ay walang gagamit ng armas, walang gagamit ng dahas. At, puwede silang lumaban lamang ‘pag threatened ang personal physical integrity nila. In other words, malabo ang senaryo na magkagiyera… at kung magkagamitan man ng dahas, it will be at sea,” pahayag ni Gov. Socrates.
Si Gob. Socrates ang siyang Chairman ng Provincial Peace and Order Council (PPOC).
Ayon sa tanggapan ng impormasyon ng kapitolyo, bubuo ng task force ang PPOC at magtatalaga ng tagapagsalita na siyang sasagot sa mga katanungan o klaripiskasyon ng sambayanan tungkol sa nasabing isyu.
Samantala, ang mga mahuhuling nagpapakalat ng maling impormasyon o fake news kaugnay sa naturang isyu ay papatawan ng awtoridad ng kaukulang parusa.