PUERTO PRINCESA CITY — NAGSIMULA nang mag-ere nitong mga nakaraang araw ang pampublikong radio network na Palawan Island Network – 96.7 FM Band na pagmamay-ari ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan.
Sa nakalap na impormasyon ng
Repetek News
, sa darating na Hulyo 15, araw ng Lunes, nakatakdang ilunsad ang opisyal na pag-ere ng nasabing radio network kung saan opisyal ng maririnig sa linya ang mga mahahalagang impormasyon na nais iparating ng pamahalaan sa mga mamamayan nito. Ang paglulunsad ay isa sa mga aktibidad ngayong National Disaster Resilience Month.Sa kabuuan, ang nasabing radio network ay magsisilbing pangunahing information tool sa pagpapalaganap ng impormasyon alinsunod sa Information Dissemination Campaign ng Provincial Government.
Malaki ang gagampanan nito sa oras ng mga kalamidad at nararanasang sama ng panahon na kadalasa’y sanhi ng pagkawala ng komunikasyon sa lalawigan.
Ito ay nasa ilalim ng mandato ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDDRMO) at Provincial Information Office (PIO) sa pakikipagtulungan sa Radyo Pilipinas.
Ang istasyon ng 96.7 FM Palawan Island Network ay matatagpuan sa opisina ng PDRRMO sa Barangay Irawan, Lungsod ng Puerto Princesa.