Photo courtesy | US Embassy
PUERTO PRINCESA CITY — Inilunsad ng US Agency for International Development o USAID ang solar-powered boat na Adlao Azul sa mga bayan ng Busuanga, Coron, at Culion, Palawan, ayon sa embahada ng Estados Unidos.
Ayon sa emabahada, ang bangka ay magsisilbing tagapaghatid ng emergency supplies sa panahon ng kakulangan ng kuryente at pagtama ng natural na sakuna.
Ito ay pinatatakbo gamit ang US-made battery system at high bifacial solar panel na may kakayanang tumakbo sa karagatan sa loob ng anim (6) na oras.
Ayon pa sa embahada, nabuo ang Adlao Azul sa tulong ng Oceantera Energy Corporation na pinondohan ng 25-milyong pisong grant mula sa USAID sa ilalim ng Energy Secure Philippines project.
Inihayag naman ni Environmental Officer Dr. Paul Brown, kinatawan ng USAID Philippines, na nakikipagtulungan ang kanilang organisasyon sa pamahalaang nasyunal at pribadong sektor na mapalawak ang paggamit ng mga renewable energy sa iba’t ibang sektor ng lipunan gaya ng transportasyon, agrikultura, island electrification, at disaster response.