PUERTO PRINCESA — Sa privilege speech ni 3rd district Board Member Rafael Ortega Jr. noong Oktubre 8, isinusulong niya ang solusyon sa matinding problema ng mga hog raisers sa Palawan, lalo na sa bayan ng Aborlan. Ayon sa mga residente, hindi makatuwiran ang kasalukuyang presyo ng mga patabaing baboy na naglalaro lamang sa P130 hanggang P140 kada kilo.
Idinagdag ni Ortega na ang mga ibinebentang baboy sa merkado ay may mataas na presyo, habang ang mga presyo mula sa mga hog traders ay mababa. Binanggit din niya ang hindi makatuwirang pagkontrol sa presyo, kung saan mas malaki ang kita ng mga trader kumpara sa mga lokal na hog raisers na gumagastos para sa dekalidad na baboy.
Inirekomenda ni Ortega ang kaniyang naipasang resolusyon noong Oktubre 2022, na nag-uutos sa mga lokal na pinuno na magtatag ng price control committee alinsunod sa Republic Act 7581. Ipinunto niya ang proteksyon sa mga konsyumer mula sa ‘trade malpractices’ at ang mandato sa mga lokal na pamahalaan na mag-regulate ng pagbebenta ng mga pagkain.
Nabanggit din niya ang kahalagahan ng batas na ito para sa mga mamimili laban sa hoarding at profiteering. Aniya, mas mura ang karneng baboy sa Narra Market, kaya’t umaasa ang mga tao na maayos ang presyo sa kanilang bayan.
“[Iyan pong mga bagay na ‘yan na nangyayari sa mga munisipyo, sana ay mabigyan ng pansin ang mga kahilingan ng ating mga consumers na ilagay sa tamang presyo ang mga bilihin at ‘yong mga farmers ay mabigyan din ng tamang presyo para kumita naman sila.
Hindi ‘yong nakadepende lahat sa trader. Dahil ang ating concern dito ay ang price ceiling, buying price ng live weight ng livestock na detrimental to the best interest of farmers of livestock growers and hog raisers],” pahayag ni Ortega.
Nais din ni Ortega na ipasa ang usaping ito sa Committee on Agriculture para mapag-usapan ang mga solusyon na magpoprotekta sa mga lokal na farmers at konsyumer.
“Ito pong usapin na ito, bagama’t alam po natin na nakadepende sa lokal na Sanggunian ang pag-establish ng local pricing committee, ay nais ko pong idulog ang nasabing problema na ito sa atin pong Committee on Agriculture para ipatawag ang mga leading agencies o may kinalaman tungkol sa nasabing usapin para po higit na mabigyan ng proteksyon ang mga farmers sa pag-aalaga nila ng baboy, baka, manok.
At higit po na maproteksyunan ‘yung atin pong consumers na hindi po sila makontrol kung masyadong tumaas ang bilihin dahil sa pagpipresyo ng ating mga traders,” dagdag ni Ortega.