Patuloy na inaayos ang mga itinayong dalawang istraktura para sa Balayong Screaming Zipline, isang bagong man-made attraction na bahagi ng Balayong People’s Park.
Makikita sa naturang parke ang mga itinayong istraktura ng zipline spiral towers mula bandang Puerto Princesa City- Cooperative malapit sa Old City Hall na magkokonekta sa Balayong Watch Tower, at magpapatuloy naman hanggang sa water pod malapit sa Sta. Monica national highway.
Ang Balayong People’s Park ay isa sa mga inaalagaang proyekto ng Pamahalaang Panlungsod sa pangunguna ni Mayor Lucilo R. Bayron bilang karagdagang kasiyahan sa mga turista at mga taga-lungsod na naghahanap ng bagong atraksyon sa Puerto Princesa.
Isinaayos din ang mga drainage system sa naturang liwasan gayundin ang mga sidewalks na nilagyan ng makukulay na paving blocks. At ang paglalagay ng underground cabling na kung saan ang lahat ng overhead wires ng PALECO ay tatanggalin at gagawing underground cables para sa seguridad at kaligtasan sa ilalagay na mga zipline.
Samantala, ang senior citizen and children’s park ay natapos nitong nakalipas na buwan bilang karagdagan sa public amusement facilities ng Balayong People’s Park. Ilan pa sa mga makikita sa liwasan ang Friendship Park, Learning Pod, Water Pod, Outdoor Amphitheatre, Balayong Fountain Park, at Rotondo Park na kung saan kabilang sa shooting location ng Saving Grace Series na pinagbibidahan nina Sam Milby, Julia Montes, at Zia Grace na kasalukuyang ipinapalabas sa Prime Video.