Photo courtesy | City Tourism of Puerto Princesa
PALAWAN, Philippines — Mas pinabongga ang pagdiriwang ng SUBARAW Biodiversity Festival ngayong taon matapos simulan ang pagbubukas nito sa Sitio Sabang, Barangay Cabayugan, Lungsod ng Puerto Princesa, nitong Biyernes, ika-3 ng Nobyembre.
Sinimulan ang selebrasyon sa pamamagitan ng pagdaos ng banal na misa sa pangunguna ni Rev. Fr. Capuno sa Santuario de San Jose Marello of St. Joseph sa nabanggit na barangay. Pagkatapos ng misa, sinimulan naman ang parada na dinaluhan ng iba’t ibang indibidwal, stakeholders, mga organisasyon, guro’t estudyante, at iba pa.
Naging posible ang kaganapan sa pangunguna ng City Government sa pamununo ni Punong Lungsod Lucilo Rodriguez Bayron kung saan ikinuwento ng alkalde ang naranasang pandemyang Covid-19 at bagyong Odette na lubha umanong nakaapekto sa lungsod partikular sa mga Barangay sa bahaging Norte.
Ani Bayron, mahalaga rin umano ang muling pagbubukas ng pagdiriwang ng Subaraw Biodiversity Festival kung saan ay lalong tatangkilikin ng publiko at unti-unting makikilala sa ibang bansa.
Ipinagmalaki rin ng alkalde ang mga ‘international deligates’ na kalahok sa malalaking patimpalak ng festival na dapat suportahan at ipagmalaki ng mga mamamayan ng lungsod.
Samantala, nagsimula na rin ang iba’t ibang palabas at patimpalak ngayong SUBARAW 2023 gaya na lamang ng Head dress Competition, Sabang Agri-tourism Fair, Subaraw Dance Drama Competition, Subaraw Community Jam, at iba pa, na pinaka-aabangan ng mga mamamayan ng lungsod.
Pakaaabangan din sa mga susunod na araw ang gaganaping Grand Coronation Night ng Subaraw Festival Queen ‘23 na gaganapin sa City Coliseum sa Nobyembre 9 kung saan magtatagisan ng ganda at galing sa pagsagot sa mga katanungang nauukol sa sosyal, ekonomikal, kalikasan, at ibang napapanahong suliranin.
Ang Subaraw Biodiversity Festival ay unang ginanap taong 2018 bilang paggunita sa pagkatalaga ng Puerto Princesa Underground River (PPUR) bilang isa sa Seven Wonders of Nature of the World noong Nobyembre 9, 2011. Ang pagdiriwang na ito ay itinuturing na kakaiba sa kadahilanang ito lamang ang tanging biodiversity festival sa mundo.
Kaugnay rito, magtatagal hanggang sa Nobyembre 19 ang pagdiriwang ng SUBARAW Biodiversity Festival 2023.