Photo courtesy | CIO Puerto Princesa
PALAWAN, Philippines – Inanunsiyo ni Punong Lungsod Lucilo Bayron na nominado ang Subaraw Biodiversity Festival ng Puerto Princesa City sa Philippine LEAF Awards.
Aniya, ang Subaraw Festival ay naging finalist matapos itong i-nominate ng isang representante mula sa National Commission for Culture and the Arts o NCCA.
“Gusto ko rin ibalita sa inyo na, na-nominate tayo, naging isa sa mga finalist doon sa LEAF Awards, maraming award kasi ito medyo prestihiyoso ang award na ito. May kinalaman ang National Commission Of Culture And Arts, na-nominate tayo ng isang taga-NCCA at maraming naglaban-laban na mga festival ‘yung atin ang Subaraw Festival,” ang pag-anunsyo ni Bayron matapos ang flag raising ceremony ng city government noong araw ng Lunes, ika-15 ng Enero.
Ang Phililippine LEAF Awards ay isang prestihiyosong award na kumikilala sa natatanging kontribusyon ng mga Filipino artists sa larangan ng live entertainment, arts, fashion, at festivals.
Ayon sa Alkalde, pipili ng isang mananalo mula sa Luzon, Visayas at Mindanao. Sa Luzon, sampu (10) ang nominado kabilang ang Subaraw ng siyudad.
Binigyang-diin naman ng Alkalde na ang mapabilang pa lamang sa finalist ng LEAF awards ay malaking karangalan na para sa Puerto Princesa dahil kung ikukumpara sa mga kalaban nitong festival, ang Subaraw ang pinakabata.
“At ngayon kasama tayo sa mga finalists, pipili ng isa sa Luzon, Visayas at Mindanao. Ngayon kasama tayo sa Luzon, sampu (10) ang nandodoon sa Luzon, isa lang ang kukunin so ang kalaban natin siyam (9) pero yung maisama tayo as a finalist malaking honor na sa atin kasi sa lahat ng mga festival ang Subaraw ang pinakabata,” dagdag pa ng Alkalde.
Aniya pa, naiiba ang Subaraw Festival dahil ito ay may kinalaman sa environment at biodiversity kaysa sa mga nakagawiang festival na kadalasan iniuugnay sa relihiyon.
“Matatandaan niyo 2018 nung magsimula tayo na mangarap na ito ay gawing isang international event. Apat na beses palang ginaganap ito pero andoon na ni-rerecognize na dahil talagang pambihira yung ating festival may kinalaman sa environment, biodiversity karamihan sa mga festival medyo religious,” ayon pa kay Bayron.