Photo courtesy |

Repetek News

Team

Nagkaroon ng pagpupulong ang mga Presidente ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) sa lungsod ng Puerto Princesa kahapon, Miyerkules, Pebrero 19, kung saan naimbitahan sina Pinoy Workers First Nominee Franz Vincent Legazpi at Palawan Patriots for Peace and Progress (4Ps) Convenor Joaquin Ortega.

Sa meeting, nabigyan ng pagkakataon ang mga tricycle drivers na mailapit ang kanilang mga saloobin sa Pinoy Workers.

Ilan lamang sa mga idinulog ng TODA ang kagustuhan sa pagbuo ng kooperatiba, pagkakaroon ng alternatibong pagkakakitaan gayundin ang medical assistance at iba pang tulong para sa kanilang pamilya.

Ayon kay Legazpi, napakahalaga na nakausap niya ang mga tricycle drivers dahil nabigyan siya ng kaalaman hinggil sa mga problema na nangangailangan ng agarang solusyon sa hanay sa transportation sector.

“Sobrang importante po [na nakausap natin sila] dahil alam naman po natin ang mga tricycle drivers, ang ating mga TODA napakatagal na pong [nagbibigay serbisyo sa komunidad ng Puerto Princesa]. Hindi po talaga mapapalitan ang kahalagahan ng ating mga tricycle driver.

Ngayon po nakipagdaupang-palad tayo at napakinggan po natin ang kanilang mga problema, napakaimportante na [nakausap natin sila] at mapaigting ang mga solusyon sa mga problema na dapat nating ayusin at pagtuunan [ng pansin],” ani Legazpi.

Maliban dito, nagpahayag din ng kagustuhan ang mga tricycle driver na muling makabalik sa national highway dahil lubos na naapektuhan ang kanilang kita simula nang ipagbawal silang mamasada sa mga pambansang kalsada.

“[Mayroon] din po silang nabanggit na route plan na gusto nilang mabalik at ma-review. Ang [naiisip] ko pong solusyon dito ay dapat pong i-review. Nakita naman po natin sa ibang lugar o probinsya may sense o logic ang ganitong klaseng polisiya ngunit ngayon po [r]ito sa Puerto Princesa kung hindi po p’wede sa national highway mayroon pong mga ibang mga daan d’yan na puwedeng gawing public road o national road.

P’wede po siguro nating i-reclassify o [tingnan] natin ang feasibility o i-review natin kung p’wede pa po bang ipadaan ang mga tricycle du’n para hindi naman po kumpletong ban,” paliwanag ni Legazpi.

Idinulog din ng TODA ang kahilingan na alternatibong pagkakakitaan dahil hindi sapat ang kanilang kinikita para tustusan ang patuloy na pagtaas ng mga bilihin.

Sagot naman ni Legazpi, tuluy-tuloy ang kanilang koordinasyon sa mga partner agencies ng gobyerno para sa posibleng alternatibong pagkakakitaan ng mga tricycle driver.

Bukas din aniya ang kanilang tanggapan para tulungan ang mga kababayang nangangailangan.

Samantala, ang pagtitipon ay dinaluhan ng nasa dalawampung presidente ng iba’t ibang TODA kabilang ang BM TODA, NOBTODA, San Pedro TODA, San Manuel TODA, Liberty TODA, SM TODA, Jacana TODA, GVTV TODA, ASTODA, Bancao-Bancao TODA, PASTODA, ROTONDA, KABIP TODA, San Jose, Sta. Lourdes, Tagburos, Irawan TODA, WESTODA, MNTF TODA at AIR TODA.