Photo courtesy | CIO-Puerto Princesa
Ni Marie F. Fulgarinas
PALAWAN, Philippines – Binisita mismo ni Puerto Princesa City Mayor Lucilo Rodriguez Bayron ang opisina ni Palawan Electric Cooperative (PALECO) General Manager Rez Contrivida ngayong araw, Miyerkules, Enero 3, upang pag-usapan ang mga nagsasanga-sangang kasalukuyang sitwasyon ng daloy ng kuryente at serbisyo ng ahensya sa mga konsyumer nito sa lungsod.
Unang binigyang-pansin ng punong ehekutibo ng lungsod ang palagiang pagkawala o patay-sinding ‘blackout’ suplay ng kuryente maging ang kabi-kabilang reklamo ng mataas na singil ng ahensya sa mga konsumedores nito.
Dagdag dito, nais ni Punong Lungsod Lucilo Bayron na mabigyan ng maayos at apuradong solusyon ang kinakaharap na problema ng PALECO.
Paliwanag naman ni Gen. Manager Rez Contrivida, nag-ugat ang nararanasan ng mga kondumidores hindi lang ng siyudad kundi sa buong Palawan dahil sa ibinabang kautusan ng Energy Regulation Commission para sa lahat ng ‘electric cooperatives’ sa bansa.
Dito, nabanggit din ng opisyal na ang kumpanyang Delta P ang isa sa nadamay na Independent Power Provider (IPP) sa Palawan na nagkaroon ng kakulangan sa Competitive Selection Process (CSP) o bidding process.
“[Yung] ating Delta P power [provider] which is 26.8 mega watts ay pinapa-stop [ng] ERC. Nasa 43.6 percent ng ating total supply [rito] sa main grid. Ang pinakamabilis na solusyon natin diyan ay mag-conduct tayo ng Power Supply Agreement with them,” paliwanag ng opisyal.
Pinagdiinan din ng kooperatiba na ang naging desisyon ng ERC ay malaki ang naging epekto sa mga operasyon nito sa mga isla sa bansa kaya’t naghain ng resolusyon ang lahat ng general managers ng iba’t ibang electric cooperatives sa tanggapan Department of Energy (DOE).
Sinabi rin ng kooperatiba na mayroon pa rin umanong dapat natatanggap na subisidiya ang ahensiya kahit nasa emergency set Power Supply Agreement ito.
Ayon sa ulat ng City Information Office ng lugar, malaki umano ang kinakaharap na problema ng lungsod ng Puerto Princesa pagdating sa suplay ng kuryente kaya’t ninanais ni Punong Lungsod na makatulong sa mas mabilis na pagsasaayos ng problema sa subsidiya.
Ani Bayron, randam niya ang pakiramdam ng mga konsyumer na direktang apektado sa biglaang taas-singil ng kuryente na nagsimula nitong huling kwarter ng 2023.
Aniya, malaki rin umano ang maitutulong kung maipapaliwanag ng maayos sa mga mamamayan ang kasalukuyang sitwasyon nito at magkaroon ng pagkakataong mailatag ang mga konkretong kasagutan kaugnay sa pagtaas ng bayarin ng karamihan sa mga konsumidores.
Samantala, ngayong darating na Lunes, Enero 8, pangungunahan ng mga tanggapan ng CIO at PALECO ang pagpapatawag ng media press conference kasama si Konsehal Laddy Gemang, ang kasalukuyang Presidente ng Liga ng mga Barangay sa Puerto Princesa, at Chamber of Commerce Representatives.