PHOTO | GEORGE TAPAN

Ni Clea Faye G. Cahayag

SA ginanap na 304th PCSD regular meeting nitong ika-27 ng Hulyo, inendorso ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) na maitala sa UNESCO World Heritage Site ang Tabon Cave Complex at ang lahat ng Lipuun Point na matatagpuan sa munisipyo ng Quezon, Palawan.

“The PCSD has adopted the Resolution No. 23-927, officially endorsing the nomination of Tabon Cave Complex and All of Lipuun Point located in Quezon, Palawan for inscription as United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) World Heritage Site (WHS),” batay sa ibinahaging impormasyon ng PCSD.

Binigyang-diin sa resolusyon ang mahalagang papel nito sa kasaysayan ng bansa tulad ng pagkakadiskubre ni Dr. Robert Fox at ng National Museum of the Philippines sa iba’t ibang archaelogical artifacts at fossils ng homo sapiens sa loob ng Tabon Cave Complex na tinatayang nabuhay nang 47,000 taon ang nakalipas.

Bilang suporta sa pagsisikap ng pamahalaang nasyunal sa pamamagitan ng UNESCO-Philippines, National Museum, National Commission for Culture and the Arts, Provincial Government of Palawan, at Municipal Government of Quezon, ang Sangguniang Panlalawigan ng Palawan ay nagpasa ng Provincial Resolution No. 18133 na sumusuporta sa nominasyon ng Tabon Cave Complex na mapabilang sa UNESCO WHS.

Ipinag-utos din ni Governor Victorino Dennis M. Socrates, ang pagbuo ng Task Force para rito sa pamamagitan ng Executive Order No. 58 series of 2023.

Ang Tabon Cave ay idineklara rin ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., bilang isang “Site Museum Reservation” sa bisa ng Presidential Proclamation No. 996,.s. 1972.