Photo courtesy | PIO Palawan

Iprenisenta ng mga mag-aaral ng Bachelor of Science in Information Technology o BSIT ng Palawan State University ang kanilang thesis project na Taga-Cuyo mobile app sa mga kawani ng kapitolyo nitong Nobyembre 5.

Ang nasabing presentasyon ay daan upang makapagbigay ng mas maayos at detalyadong paliwanag tungkol sa kanilang proyekto.

Ang Tagalog-Cuyonon translator o Taga-Cuyo App, isang mobile application, na ang pangunahing layunin ay mapanatili ang wika ng Cuyonon na itinuturing na isang mahalagang bahagi ng kulturang pamana ng lalawigan ng Palawan.

Ayon sa mga mag-aaral ng pamantasan, layunin din ng mobile application na mapadali ang tamang pagsasalin ng mga salitang Tagalog at dayalektong Cuyonon.

Kaugnay rito, inilatag din ng grupo ang disenyo at iba pang mga features na makikita sa nasabing app project.

Samantala, dumalo sa kaganapan ang mga kawani ng Provincial Planning and Development Office (PPDO) na pinangungunahan ni Provincial Planning and Development Coordinator Sharlene D. Vilches, mga kinatawan ng Provincial Information and Communications Technology (PICT), Provincial Information Office (PIO), at Culture and Arts Program.

Nagbigay naman ng mga suhestiyon at rekomendasyon ang mga mag-aaral upang higit pang mapabuti ang pag-develop ng app pati na rin ang mga estratehiya para sa mas epektibong pagkatuto at pagtuturo ng wika ng Cuyonon.

Author