“
PALAWAN, Philippines — Nasa pitong (7,000) indibidwal ang lumahok sa isinagawang “Takbo Para sa West Philippine Sea”’kabilang na rito ang delegasyon ng National Security Council (NSC) na pinangunahan ni Deputy Director-General Nestor Herico at Assistant Director-General Jonathan Malaya na ginanap sa SM Mall of Asia, Lungsod ng Pasay, kahapon araw ng Linggo, Hulyo 7.
Layunin ng kaganapan na itaas ang kamalayan at suporta para sa mga karapatan ng ating bansa sa West Philippine Sea (WPS) na kung saan ay sinisimbolo nito ang pagkakaisa sa pagprotekta sa interes ng bansa sa dagat.
Ayon sa tanggapan ng NSC, naging posible ang aktibiddad sa pangunguna ng Runtio Inc., kasama ang National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS), Philippine Coast Guard (PCG), Presidential Communications Office (PCO), at Philippine Information Agency (PIA).
Samantala, muling pinagtibay ng NSC ang hindi natitinag na pangako nito na pangalagaan ang maritime domain ng Pilipinas at itaguyod ang mga karapatan ng mga Pilipino alinsunod sa mga internasyonal na pamantayan.
Sa pagtatapos ng programa, nagpahayag ng kanyang pasasalamat si PCG Commodore Jay Tarriela sa pangako ng mga kalahok at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkontra sa maling impormasyon upang makakuha ng suporta ng publiko para sa pansariling layunin.
“Ang West Philippine Sea ay pag-aari ng bawat Pilipino, at ang pangangalaga nito ay napakahalaga para sa ating mga susunod na henerasyon,” pahayag ni Tarriela.