Photo courtesy | FB/Dennis M. Socrates
PUERTO PRINCESA CITY — Bumisita sa Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ang grupong Tanggol Kalikasan Inc. nitong Martes, ika-13 ng Nobyembre m, taong kasalukuyan.
Ipinaliwanag ng grupo kina Gobernador Victorino Dennis M. Socrates at Provincial Information Officer Atty. Jay Cojamco ang kanilang panukalang proyekto na ‘RESTORE WPS’ o ‘Restoring the Resources for Economic Sustainability of West Philippine Sea’ na naglalayong ipreserba ang antas ng economic fishing resources ng lugar.
Hangad din umano ng proyekto na makapagbibigay ng sustenableng mapagkukunan ng yamang-dagat partikular ng mga isda at dagdag kabuhayan para sa komunidad ng WPS na makakatugon sa aspeto ng food security sa bansa.
Inaasahan din na maisasakatuparan ang nasabing proyekto sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan, iba’t ibang sangay ng gobyerno, at pribadong sektor pagdating sa pagbuo ng polisiya rito.
Naroon naman sa nasabing pagpupulong sina Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-Palawan Head Mario Basaya, Tanggol Kalikasan Consultant Salvacion M. Bulatao, at Project Officer for Livelihood Efrelyn E. Calabano.
Layunin ng organisasyon na makita ang isang makapangyarihang lipunan na nauugnay sa kapaligiran nito sa isang makatarungan at napapanatiling paraan para sa pantay na pakinabang ng lahat ng mga Pilipino. Ang misyon nito ay pabilisin ang pagbibigay kapangyarihan sa mga komunidad at institusyon ng pamahalaan ang kanilang ecosystem sa pamamagitan ng batas at iba pang malikhaing mekanismo.
Kaugnay rito, ang Tanggol Kalikasan Inc. ay isang non-government organization na layunin ay tutukan ang mga usapin ukol sa likas-yaman ng West Philippine Sea (WPS) upang mabawasan ang suliranin sa pangisda bunsod ng iligal na panghuhuli, at mabawasan ang pangingisda sa mga critical habitat.