Ni Clea Faye G. Cahayag
PINULONG na ni Punong Lungsod Lucilo Bayron ang Task Force Ironman 70.3 Puerto Princesa bilang paghahanda para sa nakatakdang pagdaraos ng Ironman sa lungsod sa darating na buwan ng Nobyembre.
Isa sa ipinag-utos ng Alkalde sa bawat komite na tiyaking malinis at ligtas languyan ang City Baywalk na bahagi rin noong nakaraang kompetisyon.
Ang tanggapan ng City Environment and Natural Resources Office katuwang ang Oplan Linis Program, City Engineering Office at Philippine Coast Guard ang mangunguna sa paglilinis ng baybayin ng City Baywalk.
“Mag-isip kayo ng mga gawain o aktibidad para ma-rehabilitate at masiguro na malinis ang tubig sa baywalk at ligtas languyan ng mga tao. Dapat pang long term na ang gagawing paglilinis d’yan,” ang naging pahayag ni Bayron ayon sa City Information Office.
Maliban sa coastal clean-up magkakaroon din ng mud balls throwing at iba pang technological interventions mula sa City ENRO. Regular din na magsasagawa ng water testing upang mapanatili ang kalinisan ng tubig.
Ang Puerto Princesa Water Reclamation & Learning Center, iba pang mga ahensya, at barangay ay nangakong tutulong din sa gagawing paglilinis sa baybayin.
Maliban dito, nagbigay rin ng suhestyon katulad ng paglilipat ng mga bangka at mga sasakyang pandagat na nakadaong sa baywalk gayundin ang relokasyon ng mga illegal settlers na naninirahan malapit dito.
“Una sa lahat ang isipin natin ang kapakanan ng mga manlalaro na lalangoy sa City Baywalk, ang mga residente at turista na pumupunta [riyan] araw-araw na walang masamang amoy at makitang basura sa dagat. Maging pang matagalan na ang ating gawing solusyon at i-involve ang mga barangay at mamamayan,” dagdag pa ni Mayor Bayron batay pa rin sa City Information Office.